
MANILA — Matapos ang proklamasyon ng 12 bagong senador, nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tapusin na ang panahon ng politika at magtuon na sa mga programang pangkaunlaran ng kanyang administrasyon.
Sa isang talumpati sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas thanksgiving event para sa media sa Mandaluyong City, sinabi ni Marcos na panahon na upang kalimutan ang mga isyung politikal at ituon ang pansin sa mga mahahalagang usapin gaya ng kalusugan, edukasyon, agrikultura, at suplay ng pagkain.
“Hindi man naging ganap ang resulta ng eleksyon, patuloy tayong lalaban. Panahon na para isantabi ang politika at pag-usapan ang mga isyung pangkaunlaran,” ani Marcos.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng patuloy na komunikasyon sa publiko tungkol sa mga programa ng gobyerno upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.
“Ang politika ay nakakaabala sa ating mga gawain sa pagpapaunlad ng bansa, kaya panahon na upang magkaisa at magtulungan,” dagdag niya.
Pinayuhan din ng Pangulo ang media na ipagpatuloy ang pagsuporta sa pagpapalaganap ng mga balita ukol sa mga proyekto ng gobyerno.
Samantala, ipinahayag ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte ang kanyang suporta sa kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte na tumakbo bilang House Speaker sa nalalapit na ika-20 Kongreso.
Aniya, “Kung hindi man siya manalo bilang speaker, maaaring maging minority leader siya.”
Ayon kay Sara, wala pang lumalapit sa kanya para humingi ng suporta sa mga posisyon sa House o Senado.
Binanggit din niya na tinanong niya ang kapatid kung interesado ba siyang tumakbo bilang speaker ngunit hindi pa ito sumasagot.
Bukod kay Paolo Duterte, nagpasiklaban din si Navotas Rep. Toby Tiangco para sa posisyon ng House Speaker na kasalukuyang hawak ni Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos.
Ngunit tiniyak ni Deputy Speaker David Suarez na may “supermajority” ng mga kongresista na sumusuporta kay Romualdez, na umaabot sa 240 miyembro.
Sinabi rin niyang pormal na iaanunsyo ang suporta bago magsimula ang ika-20 Kongreso sa Hulyo.
Ibinahagi naman ni senadorelect Erwin Tulfo ang kanyang pagbisita sa puntod ng kanyang yumaong ina, si Caridad Teshiba Tulfo.
Sa kanyang Facebook post, sinabi niya, “I made it Mom… Salamat sa mga dasal mo noon, at hanggang dyan sa heaven. Mahal na mahal kita, Mom.”
Dinala niya ang kanyang sertipiko ng proklamasyon mula sa Comelec bilang pasasalamat sa ina.
Si Tulfo, isang dating broadcast journalist, ay kabilang sa 24 senador na magsisimula sa bagong termino sa ika-20 Kongreso.
More Stories
Toby Tiangco, tinawag na ‘big loser’ ni Barry Gutierrez sa palpak na kampanya ng Alyansa
Walang ‘bloodbath’ sa impeachment trial ni VP Sara Duterte — Leila De Lima
Deanna Wong, pinarangalan bilang fan favorite sa kauna-unahang PVL Press Corps awards night