December 25, 2024

Maraming sanggol na isisilang dahil sa COVID-19

Gets na ng Commission on Population (Popcom) kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga tao nitong bandang Marso, nang simulan ng gobyerno ang lockdown sa iba’t ibang lugar dahil nga rito sa salot na COVID-19.

Siyempre bahay lang, walang ginagawa si mister at misis. Tulog na rin si Junior. Kaya alam na this! Hehehe…

Tiyak na libo-libong sanggol ang isisilang sa Disyembre – siyam na buwan magmula ang stay-home orders noong Marso – at sa mga susunod na buwan ng 2021.

Ang nais tumbukin ni Popcom Executive Director Juan Antonio Perez ay itong inisyal na pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) na nagsasabing tinatayang 214,000 ang isisilang na sanggol mula sa hindi planadong pagbubuntis ng ina na kabilang sa 600,000 na nakatala sa family planning program ng pamahalaan na walang kakayahan na magtungo sa mga government health centers at makakuha ng supply ng pills at iba pang contraceptives dahil nga rito sa lockdown restriction.

Bukod sa 600,000 na ina na nakatala sa government population program, mayroon pang tinatayang 3 milyong Pinay ang hindi gumagamit ng family planning method.  Tiyak na libo-libo talaga ang isisilang na sanggol mula sa 3 milyong babae.

Hindi lang naman sa ating bansa itong stay at home orders kundi sa buong mundo,  pero isa lang ang tiyak na dadami na naman ating populasyon. Boom!

Ilang daang libo, marahil umabot pa ng milyon, ang bagong bibig na papakain, mga batang may pangangailangan sa kalusugan, kabilang na ang bakuna, mga batang kailangan ng mga paaralan at guro kapag dumating na ang tamang panahon. Nakikita ko na sa hinaharap, itong mga madadagdag sa populasyon ay maghahanap ng trabaho. Pero malayo-layo pa naman iyon. Sa ngayon, dapat ng tutukan ng pamahalaan ang mga pangunahing pangangailangan ng libo-libong mga sanggol at kanilang mga pamilya.

Uulitin natin, 214,000 na sanggol ang inaasahang isisilang sa Disyembre, at sa mga ina pa lang iyan na kasama sa government population program na hindi nakagamit ng contraceptives. Mayroon pang milyon na hindi kasama sa programa ng goyerno, kaya’t umpisahan ng mahanda ang pamahalaan at ang iba’t ibang institusyon. Araykupo!

.