May 9, 2025

Maraming Salamat Nora Aunor!

PUMANAW na ang batikang aktres na si Nora Cabaltera Villamayor, mas kilala bilang Nora Aunor, gabi ng 16 Abril 2025 Miyerkoles. Ang impormasyon ay mula sa kaniyang anak na si Ian de Leon.

ANG NAG-IISANG ‘SUPERSTAR’ NA SI NORA AUNOR

Ayon sa The Hollyood Reporter (2015), itinuturing siyang “The Grand of Philippine Cinema” dahil sa hindi matatawarang ambag sa industriya ng pelikula. 

Ang kaniyang karera sa lokal na aliwan ay nagsimula bilang singer matapos magwagi sa patimpalak na “Tawag ng Tanghalan” ng ABS-CBN noong 1967. Samantala ang kanyang unang pelikulang ‘All Over the World’ (1967) ay naging daan para sa kanyang pagganap sa mga drama kabilang ang ‘Tatlong Taong Walang Diyos’ (1976), ‘Minsa’y Isang Gamu-gamo’ (1976), ‘Himala’ (1982), ‘Bulaklak sa City Jail’ (1984), at ‘Bona’ (1984). Sa sumunod na mga dekada ay patuloy na kinilala ang kanyang husay sa mga pelikulang ‘The Flor Contemplacion’ (1995), ‘Bakit May Kahapon Pa?’ (1996), ‘Thy Womb’ (2012), at ‘Dementia’ (2014).

Iginawad sa kanya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula at Broadcast Arts sa bisa ng Proclamation No. 1390 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte (isinilang 1945, nanilbihan 2016-22) noong 29 Hunyo 2022 Miyerkoles. Ayon kay Nora, “Hindi naging madali ang buhay ko pero wala akong masusumbat kaninuman. Kayo ang nagpapalakas sa akin. Kayo po ang himalang binigay ng Diyos, kayo ang dahilan kung bakit may awit ang aking puso, kung bakit may isang Nora Aunor.”

Matapos ang pagpanaw ay ipinost ni Ian sa Instagram, “We love you Ma… alam ng Diyos kung gano ka naming ka mahal. Pahinga ka na po Ma. Nandito ka lang sa puso at isipan namin.”

Dagdag ni Lotlot de Leon, isa sa mga anak ni Nora, “She touched generations with her unmatched talent, grace, and passion for the craft. Her voice, presence, and artistry shaped a legacy that will never fade. Her light lives on – forever loved, never forgotten.”

Ganito naman ang naging mensahe ni Dr. Romeo Flaviano Ibañez Lirio, tagapagtatag ng Gawad Tanglaw (Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw, 2003), “Nora Aunor: Ang KapuriPuri at Nag-iisang Superstar ng Aninong Gumagalaw… Paalam. We will miss you. Eternal rest grant unto her O Lord, and let Perpetual help shine upon her.”

Bibigyan si Nora Aunor ng state funeral na gagastusan ng pamahalaan sa bisa ng Presidential Decree No. 208 ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89, nanilbihan 1965-86) noong 07 Hunyo 1973 Huwebes.

Sa ngalan ng buong pamunuan at manunulat ng pahayagang Agila ng Bayan ay amin pong ipinaaabot ang taos-pusong pakikiramay!

Maraming salamat Nora Aunor!