December 27, 2024

MANYAKOL NA LOLO, KALABOSO

Dinakip ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest sa Valenzuela City ang isang lolo na wanted sa kasong Rape sa probinsya ng Northern Samar.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, ang naarestong suspek na si Jose Gache, 63, pedicab driver at residente ng 19-A Sto Rosario St.Brgy. Karuhatan.

Si Gache ay nasa Top 3 Regional Level Most Wanted Person ng Police Regional Office 8.

Ayon kay Col. Haveria, dakong 11:45 ng gabi nang maaresto ang suspek sa kanyang bahay ng mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni PLT Robin Santos sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Decoroso M Turla, Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 23, Allen, Northern Samar, na may petsang December 16, 2013 para sa kasong Rape.

Kasama ng WSS sa pagsilbi ng arrest warrant sa suspek ang mga tauhan ng Sub-Station 9, PNP IG-ISOD, RIU 8, 2nd Leyte PMFC, PIU Northern Samar PPO, Allen MPS, 803rd MC RMFB 8, at 4th MFC RMFB NCRPO.