KAALINSABAY ng pagpasok ng Bagong Taon ay ang paggunita sa ika-133 anibersaryo ng kapanganakan ni Manuel Acuña Roxas (1892-1948) sa unang araw ng Enero. Si Roxas ay isang Pilipinong abogado at politiko na naging ikalimang pangulo ng Pilipinas, 1946-48. Siya ang ikatlo at huling Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas mula 28 Mayo 1946 hanggang 04 Hulyo 1946 at unang Pangulo ng Ikatlong Republika matapos makamit ang kasarinlan mula sa Estados Unidos noong 04 Hulyo 1946.
Matatandaan si Roxas bilang isa sa pinakamagaling at pinakamatalinong naging pangulo ng bansa. Nanguna siya sa mga pagsusulit, naging dalubhasa sa pag-aaral at pagbuo ng mga batas, nakipaglaban para sa kasarinlan ng Pilipinas, at tunay na mahusay sa pagtatalumpati na hinangaan sa loob at labas ng bansa.
Narito ang Walong (8) Mahahalagang Impormasyon at Kaalaman tungkol kay Manuel Roxas:
01. Pinagmulan. Si Roxas ay isinilang noong 01 Enero 1892 Biyernes sa Capiz, Capiz (ngayon ay Lungsod Roxas) kina Gerardo Luis Roxas (1839-91) at RosarioVillaruz Acuña. Siya ang huling anak matapos mamatay ang kanyang ama matapos pagmalupitan ng Guardia Sibil bago ang kanyang pagsilang.
02. Kabataan. Si Roxas at ang nakatatandang lalaking kapatid na si Mamerto ay lumaki sa kanyang ina at lolo, Don Eleuterio Acuña. Ang kanyang iba pang kapatid sa ama ay sina Leopoldo at Margarita. Samantala ang mga kapatid sa ina ay sina Leopoldo, Ines, at Evaristo Picazo.
03. Edukasyon. Nakapag-aral at nakapagtapos si Roxas sa pampublikong paaralan sa Capiz at nagawang makapasok sa St. Joseph’s College (SJC, itinatag 1875) sa Hong Kong sa edad 12, subalit dahil sa labis na pangungulila ay nagbalik sa Capiz. Lumipat siya sa Manila High School (itinatag 1906) sa Intramuros, at nakapagtapos ng may karangalan, 1909.
Nag-aral siya ng pagkaabogado sa pribadong paaralang itinatag ni George A. Malcolm (1881-1961), ang unang dekano ng University of the Philippines College of Law (itinatag 1911); at naging ika-17 Associate Justice ng Korte Suprema, 1917-36. Sa ikalawang taon ay nag-aral siya sa UP (itinatag 1908) na kung saan siya ay nahalal bilang pangulo ng klase at student council. Nakamit niya ang degree sa law, nakapagtapos bilang class valedictorian, at nanguna sa pagsusulit na bar na may gradong 92% sa loob ng isang taon, 1913. Siya ay naging propesor sa law sa Philippine Law School (itinatag 1915) at National University (itinatag 1900). Naglingkod din siya bilang kalihim ni Judge Cayetano L. Arellano (1847-1920) ng Korte Suprema.
04. Pamilya. Ikinasal si Roxas ay Trinidad de Leon (1900-95), dating beauty queen (Manila Carnival Queen 1920), noong 1921. Sila ay biniyayaan ng dalawang anak: sina Ruby at Gerardo ‘Gerry’ Roxas (1923-82, dating Senador 1963-72). Apo ni Pangulong Roxas si Mar Roxas (isinilang 1957), dating Kalihim (nanilbihan 2012-15) ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (itinatag 1897).
05. Pagiging Politiko. Nagsimula ang karera ni Roxas sa politika bilang kasapi ng konsehong pangmunisipyo ng Capiz (ngayon ay Lungsod Roxas), 1917-19. Nahalal bilang Gobernador ng Capiz, 1919-22.
Hindi naglaon ay nahalal bilang Kinatawan sa Unang Distrito ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa Pilipinas, 1922-38; at naging Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, 1922-34. Siya ay naging kasapi ng Philippine Council of State, subalit nagbitiw kasama si Manuel L. Quezon (1878-1944) matapos na i-veto ni Gobernador-Heneral Leonard Wood (1860-1927, nanilbihan 1921-27) ang mga panukalang batas na ipinasa ng lehislatura ng Pilipinas, 1923.
Si Roxas ay kasama ni Sergio S. Osmeña (1878-1961) sa kampanya na tinaguriang ‘Misyong OsRox (1931) na may layuning kilalanin ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas at pamumuno ng sarili. Ang misyon ay nakamit matapos maipasa ang Hare-Hawes-Cutting Act sa Kongreso ng Estados Unidos na nangangakong magbibigay ng kalayaan sa bansa pagkaraan ng sampung taon subalit binitawan ng Senado ng Pilipinas dahil sa panghihimok ni Quezon. Nanguna si Quezon sa misyon upang makuha ang pagpasa ng Batas Tydings-McDuffie sa Kongreso ng Estados Unidos na pinagtibay ng Senado ng Pilipinas, 1934.
Siya ay naglingkod bilang Kalihim ng Pananalapi, 1941 at Tanggapan ng Kalihim Tagapagpaganap, 1941-42 ni Pangulong Quezon. Nahalal bilang Senador at naging Pangulo ng Senado, 1945-46.
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45) si Roxas ay naglingkod bilang Direktor ng Ahensiya ng Paglilikom ng mga suplay ng kanin para sa hukbong Hapones. Naging kasapi siya ng komite na bumuo ng Saligang Batas ng Ikalawang Republika sa ilalim ng pamahalaang Hapones. Naging malapit siya kay Heneral Masaharu Homma (1887-1946) bagamat may ilang Hapones ang siya’y pinaghihinalaang nakikipagtulungan sa mga gerilya laban sa pamahalaan. Nadakip siya kasama ng iba pang kabinete ni Heneral Douglas MacArthur (1880-1964). Subalit pinalaya, pinatawad at ibinalik ni MacArthur sa ranggong Brigadier Heneral sa General Headquarters ng Hukbong Amerikano sa Seksiyong Intelihensiya. Ang ibang dinakip na sina Jose Yulo (1894-1976), Antonio delas Alas (1889-1983), Quintin Paredes (1884-1973), at Teofilo Sison (1880-1975) ay ibinilanggo upang litisin dahil sa pakikipagsabwatan sa mga Hapones. Ipinagtanggol siya ni MacArthur bilang inosente at tumulong sa kilusang gerilya laban sa Hapon. Pinatawad ni Pangulong Roxas ang mga dinakip na kasabwat ng mga Hapones, 1948.
Sa panahon ng halalan ng pagkapangulo ay hiniling ni Roxas ang suporta ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon, operasyon 1942-54). Subalit sa paniniwalang si Roxas ay nakikipagtulungan sa mga Hapones, ang suporta ng Hukbalahap ay ibinigay kay Sergio Osmeña. Matapos manalo bilang pangulo, kanyang inihayag na ang PKM (Partido Komunista ng Pilipinas, itinatag 1930) at Hukbalahap ay mga ilegal na organisasyon at agad na ipinag-utos ang pagpapadakip sa mga kasapi dahil sa layuning pagpapabagsak ng pamahalaan at pagtatatag ng sariling pamahalaan sa pamamagitan ng dahas at takot.
06. Bilang Pangulo. Nagwagi si Roxas bilang pangulo na may 54 bahagdan ng kabuuang boto laban kina Sergio Osmeña ng Partidong Nacionalista at Hilario Moncada ng Partido Modenista. Si Roxas ay tumakbo sa ilalim ng kanyang itinatag na Partidong Liberal. Nagsilbi siyang pangulo ng Komowelt mula 28 Mayo 1946 Martes hanggang 04 Hulyo 1946 Huwebes, matapos makamit ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos.
Humarap noong 21 Hunyo 1946 Biyernes siya sa Kongreso ng Estados Unidos upang hikayating maipasa ang dalawang batas na ipinasa ng Estados Unidos noong 30 Abril 1946 Martes: Batas Tyding-McDuffie at Bell Trade Act.
Nanumpa siya bilang unang Pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas noong 04 Hulyo 1946. Dinaluhan ang okasyon ng mahigit sa tatlong libong dignitaryo kabilang ang Commissioner of the Philippines; si Paul V. McNutt (1891-1955, nanilbihan 1946-47) ang unang Konsulado ng Estados Unidos sa Pilipina; Heneral MacAthur na nanggaling sa Tokyo, Japan; Robert E. Hannegan, United States Postmaster General; Senador Millard E. Tydings (1890-1961), ang may-akda ng Batas Tydings-McDuffie; Kinatawan C. Jasper Bell (1885-1978), may-akda ng Bell Trade Act; at dating Civil Governor-General (nanilbihan 1913-21) Francis Burton Harrison (1873-1957). Nasaksihan ng mahigit sa tatlong daang libong mga katao ang pagbaba ng pambansang watawat ng Estados Unidos at pagtataas ng pambansang watawat ng Pilipinas. Nanungkulan si Roxas hanggang sa kanyang kamatayan.
07. Pagkamatay. Pagkatapos magtalumpati sa Clark Field, Angeles, Pampanga ay inatake sa puso si Roxas sa tahanan ni Major General Eugene Lowry Eubank (1892-1997) noong 15 Abril 1948 Huwebes. Pinalitan siya ni Pangalawang Pangulo Elpidio R. Quirino(1890-1956). Inihimlay ang kanyang mga labi sa Manila North Cemetery.
08. Mga Alaala. Bilang pagkilala ay ginawaran si Roxas ng Quezon Service Cross (nilikha 1946), ang pinakamataas na parangal sa bansa, noong 03 Hulyo 1956 Martes.
Ilang bayan at lungsod ang ipinangalan sa kanya kabilang ang Roxas, Oriental Mindoro (1948); Roxas, Isabela (1948); President Roxas, Capiz (1949); Lungsod Roxas, Capiz (1951); Roxas, Palawan (1951); President Roxas, Cotabato (1967); at President Manuel A. Roxas, Zamboanga del Norte (1967). Sa kanya rin ipinangalan ang kahabaan ng Roxas Boulevard (nakumpleto 1910s, dating Cavite Boulevard na naging Dewey at Heiwa Boulevard) noong 1963. Ang kanyang bantayog ay parehong matatagpuan sa Lungsod Roxas, at Ermita, Maynila.
09. Dokumentaryo. Nilikha ang ‘The Life and Times of President Manuel A. Roxas’ sa produksyon ng BAC TV Production noong 2019 at mapapanood sa digital platform ng Cignal TV. Ayon sa President Manuel A. Roxas Foundation (2024), “This tackled the life and legacy of President Roxas most thoroughly.”
10. Pananalapi. Tampok si Roxas sa mga salapi ng Pilipinas. Una ay sa baryang 2-piso na lumabas sa sirkulasyon kaugnay sa sentenaryo ng kanyang kapanganakan, 1992. Ikalawa ay sa mga salaping papael batay sa sumusunod: 500 Piso English Series 1951-59; 100 Piso Pilipino Series, 1969-74; 100 Piso Ang Bagong Lipunan Series, 1973-96; 100 Piso New Design BSP Series, 1987-2018; at 100 Piso New Generation Currency Series, simula 2017.
Maligayang Kaarawan Pangulong Manuel Roxas!
* * *
More Stories
HUSTISYA PARA KAY PH ATHLETE MERVIN GUARTE!
4 patay sa pamamaril sa Batangas
4 KAWANI NG NBI, KASABWAT NA 7 FIXERS KALABOSO