December 24, 2024

MANILA LGU SUMAKLOLO SA ABRA

NAGPADALA ng 15-man response team si Manila Mayor Honey Lacuna upang tumulong sa search and rescue team sa Abra na siyang hardest hit ng lindol na may lakas na magnitude 7.0 noong Miyerkules ng umaga.

Nabatid na inatasan ni Lacuna si Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Director Arnel Angeles na personal na pangunahan ang team kung saan siya rin ang mismong pumili para sa nasabing pakay.

Tumulak patungong Abra ang MDRRMO noong Miyerkules ng gabi upang tumulong sa search and rescue ng mga biktima ng lindol na posibleng natabunan ng landslides, mudslides at gumuhong mga istraktura.

Bago umalis ay inulat ni Angeles sa alkalde na walang casualties sa lungsod sa naganap na lindol na naramdaman din ang lakas sa Metro Manila.

Ang grupo ni Angeles ay tutulong din sa paglilinis ng mga kalsada na napuno ng mga nagbagsakang debris at naging dahilan upang ‘di madaanan ng mga motorista at pedestrian.

Ayon kay Lacuna, ang Abra ay sister-city ng Maynila kaya nagpaabot ng tulong ang kabisera ng bansa sa lalawigan at mamamayan nito.

Matatandaan na ang MDRRMO ay tumulong din sa ibang lalawigan na naging biktima ng kalamidad noong nagdaang panahon.

Ayon kay Angeles, ang natulungan nila noong panahon ng kalamidad ay ang Cebu nang ito ay salantain bagyong Odette. Tumulong din ang MDRRMO sa pagsabog ng Taal Volcano, partikular sa lugar ng Laurel, Batangas.