January 24, 2025

Manggagawa sa Clark balik-trabaho na

Sa kabila ng malaking hamon dulot ng COVID-19 pandemic, masaya ang mga manggagawa sa Clark dahil nakabalik na sila sa kani-kanilang trabaho magmula ng umangkop sila sa “new normal”

Ayon kay Blue Manansala, empleyado ng La Forge Designs, Inc., masayang-masaya siya dahil balik operasyon na ang kanyang kompanya subalit hindi  rin niya maiwasan ang mangamba dahil sa mayroon pa ring banta ng coronavirus.

 “Masaya at may pagkatakot din. Masaya kami kasi may paraan na ulit para mag-operate na ang company at kumita na mga tao. May takot kasi hindi naman nawala ang virus. Pero susundin lang dapat ang mga safety protocols para ensure ang safety naming lahat,” aniya.


 Nagbibigay liwanag sa buhay ang mga manggagawa ng La Forge Designs, Inc dahil sa kanilang lightning fixtures na ini-export sa iba’t ibang bansa.



Gayunpaman, sinabi ni Manansala na dapat tanggapin ng mga mangagawa ang mga pagbabagong nangyayaring sa panahong ito. Ang La Forge Designs, Inc, ay manufacturer ng lighting fixture na ini-export sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

 “Kailangan tanggapin ang lahat ng pagbabago and kailangan din ito para buhayin ang pamilya. Mahirap sa umpisa pero kailangan pag aralan ang pagsunod sa mga protocols sa new normal,” saad niya.

Mahalaga na makabalik sa trabaho ang mga manggagawa ng La Forge upang masuportahan ang kani-kanilang pamilya, paliwanag ni Manansala. “Mahalaga para sa amin lahat ang makabalik sa trabaho para kumita at mabuhay ang aming mga pamilya,” ibinahagi niya.

Sinabi rin ni Manansala, na handa ang mga mangagagawa na sundin ang mga protocol na ipinataw ng Clark Development Corporation, na makatutulong upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang pinagtatrabahuhan.

 “Naniniwala ako na ginagawa naman lahat ng CDC ang kaya nila para mapatupad ng maayos ang mga safety protocols simula noong ECQ period hanggang ngayon,” sambit niya.

Sa halos 200 empleyado ng La Forge, 100 sa kanila ang nagre-report sa trabaho. Sinumulan ng kompanya na makabalik ang mga empleyado magmula noong May 16.

Lumalabas sa tala ng CDC na parami nang paraming locators sa Freeport ang nakabalik sa track nang lumuwag na ang quarantine restriction.

Nasa kabuuang 20,511 manggagawa sa 361 kompanya ang nakabalik na ngayon sa trabaho magmula ng iutos ang lockdown noong March 16.