April 14, 2025

Mandaluyong Invitational tourney… ‘MIGHTY 9’ NG GSF RAVEN TANAY SIKARAN

BAGAMA’T siyam na manlalaro lang ang isinabak ng  GSF Raven Sikaran Tanay sa umarangkadang 3rd Mandaluyong GSF Sikaran tournament sa Kalentong, Mandaluyong City nitong nakaraang  weekend, nag-deliver naman at humakot  pa rin ng mga medalya at karangalan ang koponan para sa bayan.

Binanderahan ito ni junior blackbelt champion Sannoel Celestino na sumikad  ng ginto para sa Tanay team.

Si Celestino ay miyembro ng ‘cream of the crop’ ng  Tanay Sikaran sa parating na National Tournament sa Kalibo, Aklan na sisipa sa Hunyo 7,2025 habang ang ibang delegadong atleta nito ay nasa marubdob ding paghahanda para sa torneo nasyunal.

Kasama din ni Celestino  na humakot  ng ginto si Yhumi  Lanna Luklukan sa biakid queen event pati na ang kanyang gold sa  sikaran trio form habang nakuntento naman siya sa bronze medal sa combat sport,gayundin  ay gold medalist sa sikaran trio form si Reynavel  Regala. Nakasungkit din  si Haley Zendria Canonigo ng silver medal sa combat event. 

Pakitang- gilas naman  ang mga baguhang players ng Tanay Sikaran na ilan buwan pa  lang na naglalaro ay nakapag-uwi na ng  gold medal sa novice combat event sina Lord Brix Campo at Yuan James Dela Cruz samantalang ang iba pang bagitong  players ay nakakuha ng mga silver medal sa combat event na  sina Kenzo Lucas Canonigo, at Meagan Viel Macarulay habang  bronze medalist naman  si Angie Angeles.

“Pugay sa ating magigiting na atleta. Nagpa-pasalamat  ako sa mga instructor ng GSF Raven Sikaran Tanay  na sina Chamberlain Mendoza at Ricardo Bautista gayundin kay secretary Nicole Catolos sa pag- gabay nila  sa ating  mga manlalaro. Nagpupugay din po ang inyong lingkod sa ating butihing Mayor Lito Tanjuatco ,VM RM Tanjuatco ng Tanay LGU at sa Sangguniang Bayan ng Tanay sa pangunguna ni Konsehal Allan Sacramento at sa gabay ni  Konsehal to be  Roger “RC” Catolos,” wika ni GSF Raven Sikaran Tanay founding head Master Crisanto Cuevas na bagama’t kasalukuyang nasa Global Sikaran Foundation( GSF) na gumaganap bilang secretary general ng institusyong itinatag naman ni GM Hari Osias Catolos Banaag sa California, Estados Unidos ay naka-monitor siya sa kanyang mga manlalaro sa lahat ng oras.

“Muli po ang  lubos kong pasasalamat sa inyong lahat na konsernado sa pagtaguyod at paglawig pa ng talento ng ating mga pambato para sa pag-angat pa  ng GSF Raven Sikaran Tanay tungo sa national at international prominence,” ani pa Cuevas na darating sa bansa sa susunod na buwan para gabayan ang kanyang  koponang Tanay sa bakbakan sa Kalibo, Aklan. (DANNY SIMON)