July 2, 2025

MAMUYAC NANGAKONG BABAWI SA SUSUNOD NA LABAN MATAPOS ANG COSTLY FOUL GAME 2 NG ROS VS TNT

Humingi ng paumanhin at inako ni Rain or Shine Elasto Painters guard Gian Mamuyac ang responsibilidad sa isang mahalagang pagkakamali na nagkakahalaga ng kanilang panalo sa Game 2 ng PBA Season 49 Philippine Cup semifinals kontra TNT Tropang Giga, Biyernes ng gabi, Hunyo 27 sa Ninoy Aquino Stadium.

Lamang ang ROS ng tatlo sa huling segundo ng regulation nang i-foul ni Mamuyac si Calvin Oftana sa tangkang pagpigil sa fastbreak ng TNT. May foul to give pa ang Elasto Painters, ngunit naganap ang foul habang pumupukol si Oftana ng three-point shot — dahilan upang bigyan siya ng tatlong free throws na nagtabla sa laro at nagtulak sa overtime, kung saan tuluyang nabigo ang ROS, 105-113.

“I was just trying to be smart, but it backfired,” ani Mamuyac. “May fouls to give kami, at kung hindi lang sana gathered si Calvin, mas nakapag-set pa sana kami ng depensa.”

Pinuri rin niya si Oftana sa presence of mind nito sa naturang play. “Galing din ni Calvin, na-timingan niya. Alam niya yung sitwasyon,” dagdag pa ng third-year guard.

Nagkaroon pa ng pagkakataon si Mamuyac na itama ang pagkakamali nang mapunta sa kanya ang bola sa huling play ng Rain or Shine sa regulation, ngunit kapos ang kanyang three-point attempt. “Akala ko papasok eh. Diretso naman, pero short lang talaga. Magandang play din yung dinisenyo ni Coach Yeng,” aniya.

Bagamat masakit ang pagkatalo at ang pagkakamaling kanyang inako, positibo pa rin ang pananaw ni Mamuyac at handa siyang bumawi sa susunod na laban upang maiwasan ang 0-3 na pagkakalugmok sa serye.

“As a player, kailangan kong bumawi at matuto sa pagkakamaling yun. Medyo mabigat yun sa outcome ng game at sa series namin. Pero hindi pa tapos — best-of-seven ito, kaya lalaban pa kami,” buo ang loob na pahayag ni Mamuyac.

Ang Game 3 ng serye ay inaasahang magiging crucial para sa Elasto Painters na kailangang manalo upang mapanatiling buhay ang kanilang kampanya sa Finals. RON TOLENTINO