October 29, 2024

Malungkot na Semana Santa, Duque na eng-eng, vaccine mag-e-expire na

Mga Cabalen ko, ito ang pinakamalungkot na Semana Santa. Malungkot dahil wala ang mga nakasanayang nakagawian ng mga tulad nating Katoliko.

Dahil sa pandemiya mga Cabalen at para sa ilan ay hindi makatarungang ang lockdown dahil nawala ang ilang obligasyon nating mga Katoliko at isa lamang dito ang Visita Iglesia. Sarado po ang ating mga simbahan.

Subalit may katuturan ba ang paghihigpit na ito ng gobyerno. Tama ba ang lahat ng ito? May kalabisan ba sa parte ng ating mga kababayan o ang diprensiya at nasa pamahalaan?

Lugmok na po ang ekonomiya. Ang mga negosyante hindi na po malaman ang dapat gawin upang makabangon o matustusan man lamang ang ating hanapbuhay.

Ang mga kababayan natin na wala nang makain. Ang pandemiya ba ang dahilan o ang mga pulitikong walang tunay na pagmamahal sa bayan?

Ang ating mga kababayan kung minsan nakapag-iisip na anti-poor ang polisiya ng pamahalaan.

Sapagkat lahat daw ng ginawang polisiya ay para sa ikahihirap ng sambayanan.

Ang mga polisiyang umiiral ay para sa ikaluluwag ng mga may kaya at hindi ng mga dukha.

Ang daming magaling sa gobyerno subalit tila hindi nakakatulong sa tao.

Noong nakaraang taon, ang ayuda na sinasabing hanggang tatlong buhos  naging isa o hanggang dalawa lamang. Kung kaya ang ating mga kababayan hindi na naniniwala sa tunay na layunin ng pamahalaan.

Ngayon naman ang pinangangambahan ng mga kababayan natin ay ang bakuna na hanggang ngayon ay hindi pa nakakarating sa karamihan. Habang malaki na ang inutang ng gobyerno para dito.

Ang sinasabi ng ilang pulitiko marami na silang nagawa para sa bayan. Nasaan?

Ang mga nakatambak na ayuda sa mga gymnasium o bodega ng mga lokal na pamahalaan naipamigay ba? Sana tuloy-tuloy ang ayuda dahil patuloy pa rin naman ang pandemiya. Kaysa naman mabulok ang mga ito sa bodega.

Saan na nga kaya tayo pupulutin. Babangon pa kaya ang mga negosyo lalo na ang maliliit? Ang nga kababayan nating naghihikahos kanino hihingi ng tulong?

o0o

Itong si DOH Secretary Duque, hindi natin malaman kung hibang o nagtatanga-tangahan. Parang hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Ang mga donasyong vaccine na dumating na sa bansa, kinukuwestiyon na ng mga donors dahil sa hindi organisado ang pamimigay nito.

Malamang pagbayarin pa tayo ng mga nag-donate sapagkat nilalabag na natin ang kasunduan.

Malapit na ding mag expire ang mga vaccines sapagkat hanggang ngayon ay hindi pa natuturukan ang mga nasa priority list.

Ano ang gagawin ni Duque sa mga vaccines na hindi maitururok? At ang mga cold storage na pinaglagakan ng mga vaccine ay walang thermometer.

Naku po, Duque! Dahil dito pilit na pinapabalik ang mga vaccine dito sa NCR? Dahil mas marami daw ang nangangailangan dito?! Hanep ka talaga, DOH!