July 2, 2024

MALALASWANG VIDEO NG 11-ANYOS NA BABAE IBINEBENTA NG INA, TIYAHIN SA MGA DAYUHAN

Ryan San Juan

NASAKOTE ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na responsable sa umano’y pagbebenta ng mga malalaswang larawan at video ng kanyang sariling anak.

Iniharap sa media ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang naarestong magkapatid kabilang ang ina ng 11-taong gulang na bata.

 “This is a case na ‘yung nanay ay binebenta ‘yung picture ng kanyang anak sa foreigner, ranging from P25,000… and this started when the child was still five years old,” ayon kay Santiago.

“Ngayon ang child ay 11 years old,” dagdag niya.

Ayon sa NBI-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD), nahuli ang mga suspek na sina alyas “YNA” at “SAM”, ina at tiyahin ng biktima, na inaalok ang biktima para sa sexual exploitation sa ikinasang entrapment at resuce operation noong Hunyo 25.

Nabatid na ibinayahe ang biktima mula Navotas papunta sa isang hotel sa Quezon City para mag-perform ng live sex shows para sa mga dayuhan.

“Wala raw gagawing kahit ano, walang touching. Malaking pera din kasi ang sinabi. Inisip ko rin po magkakaroon ng school, kailangan ng budget, palipat pa kami. Yun ang naisip ko na best way para makakuha ng pera,” saad ng ina ng biktima.