November 19, 2024

Malabon, nakipagtulungan sa Cocolife para sa health insurance ng mga empleyado

PARA sa layunin nitong mapabuti ang mga programa sa pangangalaga sa kalusugan, nakipagtulungan si Mayor Jeannie Sandoval at ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa Cocolife Insurance para magdagdag ng health insurance at mga benepisyo sa mga empleyado nito.

“Alam nating mahalaga na mapangalagaan natin ang ating kalusugan, lalo na ngayong pabago-bago ang panahon at patuloy ang ating pagseserbisyo para sa ating mga mahal na Malabueño. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ating mga kawani sa ating layuning patuloy na pag-ahon ng lungsod. Kaya naman ating sinikap na maipatupad ang programang ito dahil prayoridad natin na masiguro ang kanilang kaligtasan at matulungan sila pagdating sa kanilang mga pangangailangang medikal,” ani Mayor Jeannie.

Sa pamamagitan ng Cocolife Healthcare, ang mga permanente, coterminous, temporary, at seconded na mga empleyado ng pamahalaang lungsod ay sasaklawin ng healthcare programs at kabilang sa ipinagkaloob na mga benepisyo ang in-patient, out-patient, emergency, preventive care, annual physical examination, life insurance, dental at iba pang benepisyo.

Ang bawat benepisyaryo ay magkakaroon ng access sa P80,000 maximum benefit limit o MBL per disability medical procedures para sa may pre-existing medical condition at sakop nito ang hanggang 50 porsiyento MBL.

Makakakuha din ang mga benepisyaryo ng life insurance (P20,000 for natural death, at P40,000 for accidental death) bilang bahagi ng programa.

Samantala, nakipagtulungan din ang lokal na pamahalaan sa Philippine Red Cross para magbigay ng access sa accidental, death, disablement, at dismemberment insurance at burial aid para sa mga casual at job order employees.

“Naniniwala tayo na mas magiging maganda ang pagbibigay ng mga serbisyo at programa kung ang ating mga kawani ay malusog, protektado, at makakasigurong makakatanggap ng tulong sa panahon na kanilakailangan nila, lalo na kung nakasalalay ang kalusugan at buhay,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.