December 24, 2024

Malabon LGU, nagsimula na sa libreng cremation sa Tugatog Cemetery

PINANGUNAHAN ni Mayor Jeannie Sandoval ang muling pagbubukas at pagbabasbas ng Tugatog Public Cemetery upang bigyang-daan ang mga residente na bisitahin ang kanilang mga yumaong kamag-anak sa libingan bilang bahagi ng paggunita ng All Saints Day and All Souls Day o Undas 2024.

Nagsagawa ng Banal na Misa ang lokal na pamahalaan para sa kaluluwa ng mga namatay na inidibidwal na nakalibing sa TPC at sinimulan din ng libreng cremation ng mga buto ng mga labi na hinukay para sa muling pagpapaunlad ng sementeryo.

Si Mayor Jeannie ay unang nagtungo sa TPC para alamin ang alalahanin at mensahe ng mga pamilyang humiling ng libreng cremation ng kanilang mga namatay na kaanak at tiniyak din niya na patuloy silang magsasagawa ng mga programa at proyekto para sa mga nakalibing sa sementeryo.

“Hindi po namin pababayaan ang inyong mga mahal sa buhay na yumao at inilibing dito sa Tugatog Public Cemetery bago pa man simulan ang pagsasaayos nito noong 2021. Itong libreng cremation na ating inilapit sa kanilang mga pamilya ay isa sa mga paunang serbisyong ating maibibigay para masiguro na nasa maayos na kalagayan ang mga labi at magkaroon ng kapayapaan sa kanilang mga puso. Wala ho kayong babayaran, makipag-ugnayan lang po sa ating pamahalaang lungsod. Alam natin na matagal nang naghihintay ang mga Malabueño na mabisita at makapagdasal para sa kanilang mga yumaong mga mahal sa buhay na nasa sementeryo na ito,” ani Mayor Jeannie.

“Ngayon na malapit na ang Undas ay ating sinikap na mabuksan ito kahit na maraming pang kailangan tapusin sa lugar simula ng i-redevelop ito.  Nagkaroon ng mga alalahanin ang mga residente ukol sa kanilang mga mahal sa buhay. Ngunit ating tinutukan ang mga pagsasaayos sa lugar simula ng tayo ay manungkulan bilang alkalde ng Malabon. Kahit parte lamang ng sementeryo ang maaring buksan para sa darating na Undas ay sinisiguro nating ligtas, malinis, at kaaya-aya ang lugar upang maayos na makapagdasal ang mga Malabueño sa kanilang mga mahal sa buhay na nandito,” dagdag niya.

Nauna rito, namahagi ang pamahalaang lungsod ng consent forms sa mga pamilyang gustong maka-avail ng libreng cremation ng mga labi ng kanilang mga yumaong kaanak sa TPC. Nagbigay din sila ng mga opsyon sa ibang pamilya kabilang ang paglipat ng mga buto sa ossuary ng TPC o sa iba pang mga sementeryo o columbaria, habang nagpapatuloy ang redevelopment ng Tugatog Cemetery.

Ibinahagi ng City Health Department-Sanitation Division na ang mga pamilya ng mahigit 500 namatay na Malabueño ay nakipag-ugnayan sa kanila para makuha ang libreng cremation package na kinabibilangan ng urn, bulaklak, kandila, bulaklak, pagdadala ng mga labi sa crematorium at iba pang bayad sa sementeryo. Nakipagtulungan din ang pamahalaang lungsod sa isang crematorium sa Valenzuela City para sa libreng cremation ng nasa 20 labi.

Noong Linggo, Oktubre 12, siniyasat ni Mayor Jeannie ang TPC upang matiyak na ang lugar, ang ossuary at columbarium, at ang Wall of Remembrance (pinasinayaan noong 2023), at perimeter fencing (para sa kaligtasan ng mga bisita) ay naayos at handa na para sa isang maayos na muling pagbubukas ng sementeryo.

Nagsagawa rin ang mga miyembro ng City Engineering Department (CED) at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng repainting ng columbarium, pagkukumpuni ng imprastraktura, landscaping, at paglilinis ng mga palumpong sa TPC para sa paggunita ng All Saints Day at All Souls Day. Naglagay din ng mga portal, water station, at sanitizer para sa kalinisan at kaligtasan ng mga bisita.

Tiniyak ng pamahalaang lungsod sa mga residente na ang mga bangkay ng mga namatay na hinukay sa paunang yugto ng muling pagpapaunlad ng TPC ay ligtas at inalok ng tulong para sa libreng cremation at ilipat sa ossuary o iba pang mga sementeryo nito. Nagtatag din ito ng action center upang magbigay ng tulong sa mga bisita sa paghahanap ng mga niches/vault sa columbarium o ossuary kung saan inilagay ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay, at mapanatili ang kalinisan, kapayapaan, at kaayusan sa lugar. pagtatayo ng dalawang palapag na gusali na may humigit-kumulang 600 apartment tombs/niches para magdagdag ng espasyo para sa libing ng mga namatay na Malabueño.

“Noong 2021 po nang pansamantalang isara ang Tugatog Cemetery dahil sa redevelopment na sinimulan rito, at alam po namin ang hinaing ng mga Malabueño na masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga labi ng kanilang mga minamahal. Kaya ho tayo ay tumutok sa pagsasaayos nito at nagsagawa ng mga aktibidad upang masiguro na maayos nating mabibigyan sila ng pag-alala. Nagtayo ng Wall of Remembrance noong nakaraang Undas. Huwag po kayong mag-alala dahil sisiguruhin natin na matatapos ang redevelopment na ito sa lalong madaling panahon upang makapagbigay ng mas magandang serbisyo at programa para sa inyo at sa inyong mga yumaong minamahal,” pahayag ng alkalde.