December 25, 2024

MALABON CITY HANDA SA TAG-ULAN – MAYOR SANDOVAL


TINIYAK ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mga Malabueños na nakahanda na ang lokal na pamahalaan para sa tag-ulan sa gitna ng pagkasira ng Malabon-Navotas River gate noong Hunyo 12.

“Bagama’t hindi inaasahan ang nangyari sa Malabon-Navotas River navigational gate, handa ang ating mga departamento sa pamahalaang lungsod ng Malabon na magsawa ng mga hakbang upang masigurong ligtas at maayos ang kalagayan ang ating mga mahal na Malabueño,” ani Sandoval.

“Panawagan ko rin sa ating mga kababayan na makipagtulungan, ipagpatuloy ang kooperasyon sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod upang mas mapadali ang mga operasyon gaya ng paglikas kung ito man ay kinakailangan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Sandoval na inaayos na ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naturang gate na nasira umano dahil sa mechanical issues.

Samantala, ayon sa lokal na pamahalaan na operational na ang pumping stations at isinara ang floodgates sa siyudad. Naghanda na rin ito ng sandbags para sa posibleng riverwall overtop activity.