December 24, 2024

Mainam ang pag-aaral sa paglinang ng Nuclear Energy Program

Tunay na pahirap sa sangkatauhan ang pangglobong salot na COVID-19, mga Ka-Sampaguita.

Habang naglalakbay tayo sa mundong ito, batid nating magtatagal pa ang pandemyang ito. At ano ang kini-kinita nating kasunod?

Kung napakahalaga ng elektrisidad noong ika-18 dantaon, lubhang mahalaga ito sa hinaharap.

Nagpahayag ang mga eksperto na magkakaroon ng kakapusan sa elektrisidad. Ito’y bunsod ng maaaring kakapusan sa likas na yaman at panggatong.

Katunayan, minomonitor ng World Energy Council ang lagay ng suplay ng enerhiya sa bawat nasyon.

Kaya naman, batid ito ng Pangulong Duterte. Kaya nga nagbigay siya ng direktiba na bumuo ng inter-agency committee. Sa pamamagitan ng Executive Order 116, magsasagawa ng pag-aaral ang komite.

Sa gayun ay malaman at malinang ang posisyon ng bansa pagdating sa Nuclear Energy Program. Indikasyon na rin ito sa posibilidad na paggamit ng Pilipinas ng nuclear plant.

Sinasabi na natin noon pa, huwag tayong maging negatibo kung sakaling magkaroon ng nuclear plant ng bansa. Isipin natin ang mabuting dulot nito sa tao.

Kaya nga, pag-aaralan ng komite ng inter-agency ang posibleng dulot na epekto nito sa seguridad at sa kalikasan.

Kaugnay sa inter-agency committee, tatayong chairperson nito ang Department of Energy (DOE). Vice chairperson naman ang kinatawan sa DOST.

Kabilang sa magiging member ng komite ang DILG at PNRI, Gayundin ang NEDA, NaPoCor, DENR, PhiVolcs, at National Transmission Corporation.

Bukod sa Nuclear Power bataan, (na dapat linanging muli), itutuon din dapat ng gobyerno ang pagsisiyasat sa iba pang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.

Malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng bansa at sa pagkakaroon ng suplay ng kuryente.

Mahalagang mapaghandaan natin ang krisis sa kakapusan ng enerhiya sa hinaharap. Huwag nawa itong ipagwalang bahala ng iba.

Malaki ang epekto sa bayan kapag laging brownout, dahil karamihan sa negosyo ay napadepende sa elektrisida’t enerhiya. Sa gayun ay laging may liwanag ang ating buhay.