November 16, 2024

MAIL-ORDER BRIDE, NAISALBA NG IMMIGRATION SA HUMAN TRAFFICKING

Nabuking ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang eskema ng mail order bride matapos na pumalya sa mga tanong ang mismong bride patungkol sa petsa ng kanyang kasal.

Kaugnay nito ay hindi na pinalabas ng immigration officers ang bansa ng isang 20 anyos na Filipina na papuntang China sa NAIA Terminal 3

Ayon sa BI,  sa pagpasok sa NAIA Terminal 3 ng Filipinang pasahero at kasamang  34-anyos na Chinese, sinabi sa mga immigration officer na papunta sila ng  Shenzhen, China at ang kanyang kasama ay kanyang mister maghahatinggabi na noong February 28.

Ngunit ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, agad nakatunog ang mga immigration officer nang mapansin ang kaduda-dudang kilos ng dalawa nang matanong tungkol sa kanilang kasal.

Nagpakita pa aniya ng PSA certificate of marriage ang dalawa na nagsasaad na sila ay kinasal sa isang restaurant sa Pasig City at nakumpirmang  genuine pa ang dokumento.

Bandang huli  ay umamin din ang  babaeng pasahero na walang nangyaring kasalan at ang pinakitang dokumento ay ipinagawa ng kanyang Chinese escort sa isang ahente sa halagang P45,000.

Ayon kay Tansingco, malinaw na isa itong kaso ng mail order bride scheme kung saan palalabasin na ang kunwari ay pinakasalang Filiipina ng isang dayuhan ay gagamitin lamang bilang kasambahay sa kanyang bansang pupuntahan.

Nasa pangangalaga na ng Inter-Agency Council Against Trafficking, o IACAT ang insidente para sa kaukulang disposisyon.