April 21, 2025

Mahigit 57,000, Pinayagang Makaboto sa Local Absentee Voting — Comelec

Mahigit 57,000 botante mula sa hanay ng militar, pulisya, media at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang pinayagang makibahagi sa Local Absentee Voting (LAV) para sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sa inilabas na pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nasa kabuuang 57,689 ang aprubadong aplikasyon para sa absentee voting ngayong taon.

Batay sa datos, kabilang sa nasabing bilang ang:

  • 1,005 miyembro ng media
  • 29,030 mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP)
  • 23,448 mula sa Philippine National Police (PNP)
  • 4,206 mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang Comelec, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Philippine Coast Guard (PCG)

Ayon kay Garcia, magsisimula ang local absentee voting mula Abril 28 hanggang Abril 30, 2025, at isasagawa ito sa mga tanggapan ng kani-kanilang mga ahensya.

Para naman sa mga media personnel sa National Capital Region (NCR), isasagawa ang pagboto sa Office of the Regional Election Director (ORED). Sa mga nasa highly urbanized cities (HUCs) sa labas ng NCR, maaaring bumoto sa Provincial Election Supervisor (PES), habang ang mga media sa ibang probinsya ay maaaring bumisita sa kanilang Office of the Election Officer (OEO).

Paliwanag ng Comelec, ang local absentee voting ay nakalaan sa mga botanteng kailangang gumanap ng tungkulin sa mismong araw ng halalan kaya hindi makakadalo sa regular na pagboto.