May 21, 2025

Mahigit 5,500 kabataang delegado, lumahok sa 2025 NSPC at NFOT sa Vigan City

Photo courtesy: DepEd

VIGAN CITY, ILOCOS SUR — Pormal nang binuksan ng Department of Education (DepEd) ang taunang National Schools Press Conference (NSPC) at National Festival of Talents (NFOT) na ginaganap ngayong linggo, Mayo 19–23, 2025, sa makasaysayang lungsod ng Vigan.

Ang prestihiyosong pagtitipon ay nilahukan ng mahigit 5,500 estudyante mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa—3,300 campus journalists at 2,200 student creatives—na sasabak sa iba’t ibang patimpalak na layong paunlarin ang kakayahan ng kabataan sa larangan ng pamamahayag, sining, agham, at teknolohiya.

May temang “Empowering Filipino Youth: Unleashing Potentials in Journalism and Creative Industries in the Era of Artificial Intelligence,” ang NSPC at NFOT 2025 ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagbibigay-tuon sa kakayahan ng kabataan sa gitna ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya, partikular sa artificial intelligence.

“Ito po ay isang selebrasyon ng talento at talino ng ating mga kabataan,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Gusto po ni Pangulong Marcos na walang maiiwan sa ating sistema ng edukasyon. Kaya’t isinusulong natin ang mga ganitong aktibidad upang mahubog ang husay at galing ng bawat mag-aaral.”

Sa kanyang keynote speech, hinikayat ni Jessica Soho, isang multi-awarded broadcast journalist, ang mga kabataan na gamitin ang teknolohiya hindi lamang sa pagkukuwento, kundi sa paghahatid ng makatotohanan at makabuluhang balita.

“I-focus niyo ang inyong energy at camera sa mga isyung tunay na mahalaga—mga isyung may kinalaman sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga komunidad,” aniya.

Naganap ang karamihan sa mga NSPC contests noong Mayo 20, kabilang na ang mga indibidwal at team events sa pagsulat, pagbabalita, at editoryal. Nakatakda namang isagawa ang TV Scriptwriting at Radio Broadcasting ngayong Mayo 21, habang ang Mobile Journalism Exhibition at mga sabayang sesyon tungkol sa Media and Information Literacy at Artificial Intelligence in Journalism ay gaganapin sa Mayo 22. Pangungunahan ito ng Presidential Communications Office (PCO) at ni Assistant Professor Vengie M. Ravelo ng Western Philippines University.

Noong nakaraang taon, Region XI (Davao Region) ang tinanghal na overall champion, tinapos ang siyam na taong pagkakapanalo ng Region IV-A (CALABARZON) sa NSPC.

Isinagawa rin kahapon ang karamihan sa mga paligsahan sa National Festival of Talents, kabilang ang mga performance-based contests sa ilalim ng Technology and Livelihood Education (TLE).

Ayon kay Secretary Angara, “Ang NFOT ay nakatuon sa paghahanda ng mga mag-aaral sa hinaharap. Patuloy naming isusulong ang pag-integrate ng skills gaya ng AI, coding, at digital innovation sa basic education curriculum upang matugunan ang pangangailangan ng pandaigdigang ekonomiya.”

Noong 2024, ang Region IV-A (CALABARZON) naman ang nanalo bilang overall champion sa NFOT.

Schedule ng Pagtatapos

  • NFOT Awarding and Closing Ceremony: Mayo 22, Huwebes
  • NSPC Awarding and Closing Ceremony: Mayo 23, Biyernes

Sa gitna ng makasaysayang lansangan ng Vigan, muling ipinapakita ng mga kabataang Pilipino na ang kinabukasan ng sining, agham, at pamamahayag ay buhay, matatag, at handang sumabay sa teknolohiya ng makabagong panahon.