
Quezon City — Ipinasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) ang reklamo laban sa mahigit 50 motorista na sinadyang takpan ang kanilang plaka upang takasan ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sa isang press conference sa tanggapan ng LTO ngayong Lunes, personal na iniabot ni MMDA Special Operations Group – Strike Force head Gabriel Go ang mga ebidensiya, kabilang ang mga larawan ng mga naturang sasakyan, kay LTO Executive Director Atty. Gregorio “Greg” Pua Jr.
“We would like to formally present our complaint, on behalf of our chairman Atty. Don Artes. We already compiled more than 50 na mga litrato kung saan tinatakpan ang mga plaka ng mga sasakyan,” pahayag ni Go.
Tiniyak ni Pua na aaksyunan ito ng LTO. “Mag-i-issue tayo ng show cause order sa mga rehistradong may-ari ng mga sasakyang ito. Gagamitin natin ang lahat ng legal na paraan upang matigil ang ganitong gawain,” aniya.
Ayon sa Motorcycle Crime Prevention Act, ang sinumang mahuhuling nagtataas, nagtatakip, o nagmanipula ng plaka ay maaaring pagmultahin ng P5,000 at makulong nang hanggang dalawang taon.
Matatandaang muling ipinatupad ang NCAP noong Mayo 26 matapos bahagyang i-lift ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO), na nagpapahintulot sa MMDA lamang na ipatupad ito sa Metro Manila.
Ang NCAP ay gumagamit ng CCTV, digital camera, at iba pang teknolohiya upang hulihin ang mga traffic violators nang hindi na kailangan ng pisikal na presensya ng enforcers. Ang mga violator ay maaaring magbayad ng multa online o sa MMDA office, o kaya’y i-apela ang kanilang violation.
More Stories
Senior Citizens Partylist, Itinalagang Community Convenor ng Scam Watch Pilipinas
Gatchalian: PH-EU Dialogue, Panahon na Para Palakasin ang Depensa Laban sa Banta sa Soberanya
DepEd binawasan ng 57% ang school forms ng mga guro