
MAYNILA — Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na tinatayang 1.3 milyong botante sa kabuuang 57 milyon ang nag-overvote sa katatapos lamang na halalan noong Mayo 12, kung saan lumampas sila sa pinahihintulutang bilang ng kandidatong maaaring iboto.
“It’s 1.3 million voters who did not vote properly by voting for 13 or more senators,” pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa Kapihan sa Manila Bay media forum nitong Miyerkules.
Ang pahayag ay kasunod ng pagtatanong ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon nitong Lunes, kung saan kinuwestiyon niya ang iniulat na bilang ng mga overvote. Ayon kay Guanzon, batay sa datos ng poll watchdog na National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), umabot umano sa 17,028,780 ang overvote para sa mga senador sa halalang ito.
Nilinaw ni Garcia na ang naturang 17 milyon ay hindi nangangahulugang 17 milyong botante ang nagkamali, kundi ang kabuuang bilang ng boto na hindi naipunta sa sinumang kandidatong senador dahil sa overvote. “The 17 million overvotes refer to the votes not given to 12 senators, whoever they are,” aniya.
Ipinaalala rin ni Garcia na noong 2022 elections, halos 900,000 botante ang nag-overvote, ngunit hindi ito naging malaking isyu noon. “There is overvoting in all elections — we can’t prevent that,” dagdag pa niya.
Para sa party-list elections naman, tinatayang mas mababa sa isang milyon ang nag-overvote. “If I am not mistaken, less than one million [overvoted] in the party-list,” ayon kay Garcia.
Nilinaw rin ng Comelec chief na ang overvote sa isang posisyon ay hindi naaapektuhan ang mga boto para sa ibang posisyon sa balota.
Ang isyu ng overvote ay ginagamit ngayon bilang isa sa mga dahilan ng pitong natalong senatorial candidate mula sa kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte upang hilingin ang manual recount ng resulta ng eleksyon.
More Stories
2-STAR GENERAL INIREKLAMO NG PANGGAGAHASA NG 2 SUNDALO, SINIBAK SA PWESTO
RISA GAME MAGING PAMBATO NG OPOSISYON SA 2028
Pagkapanalo ng ilang kandidato sa Eleksyon 2025, hindi dapat i-attribute agad sa ‘youth vote’ — Sociologist