December 24, 2024

Mahalaga ang pagsusulong ng Department of Disaster Resilience (DDR)

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga minamahal kong mga kababayan. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita.

Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nawa’y hindi magmaliw ang di nauubos na biyaya’t pagpapala ng Panginoong Diyos.

Sa kanyang nakaraang ikalimang SONA, nabanggit ni Pangulong Duterte ang pagsusulong sa pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR). Nabanggit niya rin ito noong ikaapat niyang SONA.

Sa gayun ay may tututok at tutugon ng husto sa pagresponde sa mga apektado ng kalamidad. Bagama’t mayron nang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), sangayon naman si Office of the Civil Defense chief at NDRRMC director Ricardo Jalad na maitatag ang bagong departamento.

Mahalaga na may solidong ahensiya na tututok sa mga suliraning sulot ng natural disaster  ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Kaya, mainam na maipsa aniya ang panukalang ito.  Kaakibat rito ang paghahanda, pagresponde’t pagtugon sa kahaharaping problema. Gayundin ang rehabilitasyon at reconstruction ng maaaring masira ng mga kalamidad gaya ng bagyo, lindol, storm surge, pagputok ng bulkan at iba pa.

Kung maitutulak bilang bagong departamento, ang pondo rito ay isandaang porsiyentong laan sa danyos at pag-ayuda sa mga biktima at apektado ng kalamidad. Bagama’t ang DDR napagtibay na sa Kamara, hindi ito naihabol bago nagsara ang 17th Congress noong nakaraang taon.

Tututok ang ahensiya sa masamang epekto ng climate change na nagdudulot ng kalamidad. Naniniwala silang ang kalamidad ay malaki ang epekto sa ekonomiya, kalusugan at pamumuhay ng mga tao.

Sa ganang akin, mahalaga na maisulong ito upang mayroong isang ahensiya na aagapay sa oras ng kalamidad.

Tutulong na lamang ang ibang ahensiya upang mapagaan ang trabaho. Sa gayun ay maiwasan ang turuan at sisihan sa pagresponde dahil mayroong tututok sa gawain.

Dahil maraming senador at nasa Kamara ang sangayon sa DDR, napapanahon na para ipasa ito bilang bagong ahensiya. Adios Amorsekos.