December 22, 2024

Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian

Nais ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng sariling Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang mga local government units (LGUs) sa bansa upang makatulong sa paghikayat ng pamumuhunan at pagsuporta sa paglago ng ekonomiya.

“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng BPLO sa bawat LGU, gumagawa tayo ng one-stop shop para sa mga transaksyong may kinalaman sa negosyo, na nakakabawas sa pasanin ng mga mamumuhunan. Mas magiging accessible at sistematiko din ang mga serbisyo sa gobyerno kung mayroon nito. Akma ito sa diwa ng Ease of Doing Business Act, na naglatag ng batayan para sa mahusay na paghahatid ng serbisyo,” sabi ni Gatchalian, co-author ng Senate Bill 1278 o ang BPLO Act.

Paliwanag ni Gatchalian, ang panukala ay naglalayong matiyak na ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay may nakalaang BPLO, bagay na magbibigay-daan din sa mga LGU na makapaglingkod sa kanilang mga nasasakupan nang mas maayos at mas epektibo.

Bilang dating alkalde ng lungsod ng Valenzuela, nakita raw noon ng senador ang hamon at hirap na dinaranas ng mga residente sa pagkuha ng mga permit kaya nagpatayo sila ng BPLO sa Valenzuela, isang hakbang na nais niyang sundan ng mga alkalde na wala pang BPLO sa lugar na pinaglilingkuran.

“Kailangang maging handa ang mga LGU upang tumugon kaagad sa mga pangangailangan ng mga mamumuhunan lalo na sa mga maliliit na negosyo upang makatulong na magkaroon ng mga oportunidad sa trabaho para sa ating mga kababayan at patibayin ang paglago ng ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.