December 22, 2024

Magnanakaw ng kable ng telepono timbog, baril nakumpiska

ARESTADO ang isa sa dalawang kawatan ng kable ng kompanya ng telepono matapos maaktuhan sila ng mga pulis na nagpuputol ng kawad sa poste ng kuryente sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Reynald Leonardo, 31 ng 570 Aquarius Street, Gremville Subdivision, Barangay 165, Brgy Bagbaguin, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr., sinabi ni Col. Destura na habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Police Sub-Station-8 sa pangunguna ni P/SSgt. Rio Agustin sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Arnold San Juan nang matiyempuhan nila ang dalawang lalaki na magkatuwang na nagpuputol ng kable ng Bayan Tel. sa harap ng Jolwood Industrial Inc. sa  6007 Benito Hao Street, Barangay Mapulang Lupa, dakong alas-2:10 ng madaling araw.

Gayunman, bago pa makalapit ang mga pulis sa dalawa ay mabilis na naka-akyat ang isa sa mga suspek sa bakod hanggang tuluyang makatakas, dala ang lagaring bakal na kanilang ginagamit na pamutol ng mga kawad.

Bukod sa mga nabawing pinutol na mga kable ng telepono na nasa P53,805.90 ang halaga, nakuha pa sa naarestong suspek ang isang kalibre -38 sumpak na may lamang isang bala, pati na ang gamit nilang motorsiklo.

Sinabi ni Col. Destura na bukod sa kasong pagnanakaw, sasampahan din nila ng paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang nadakip na suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office habang patuloy na tinutugis ang kanyang kasabuwat.