November 24, 2024

Magnanakaw nakorner sa follow-up ops, shabu nakumpiska

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isa sa tatlong kawatan na nanloob sa bahay ng 25-anyos na kelot matapos maaresto at makuhanan pa ng ng ilegal na droga sa Malabon City.

Nahaharap sa kasong Robbery at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na kinilalang si Jerald Parungao, 37, ng 148 A. Tongco St., Brgy. Malinta, Valenzuela City habang tinutugis pa ng pulisya ang kanyang dalawang kasabwat na sina alyas “Jay-R” at “Bingbong”.

Sa ulat nina PSSg Bengie Nalogoc at PCpl Rocky Pagindas kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang akyatin ng ang mga suspek ang gate ng bahay ni Marjohn Perez, 25, sa 122 Rodriguez St., Brgy. Santolan, Malabon City.

Nang hindi napasok ang bahay, sapilitang binuksan ng mga suspek ang compartment ng motorsiklo ng biktima gamit ang 2×2 na kahoy saka kinuha sa loob nito ang cash na P13,000, driver license, ATM cards, cellphone ,Philheatlh ID, SSS ID at TIN ID bago mabilis na nagsitakas.

Nang madiskubre ng biktima ang insidente, agad siyang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 3 na nagsagawa naman kaagad ng follow-up imbestigasyon at sa tulong ng kuha ng CCTV camera na nakakabit malapit sa lugar ng insidente ay natukoy ang pagkakilanlan ng isa sa mga suspek.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ay naaresto si Parungao sa kahabaan ng Mc Arthur Highway, Valenzuela City kung saan narekober sa kanya ang cellphone ng biktima at nakuhanan pa siya ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P340.00 ang halaga.