May 8, 2025

MAGKATUNGGALI NOON, MAGKAKASAMA NA NGAYON: PUWERSA NI GACULA LALONG LUMALAKAS SA TAYTAY

TAYTAY, RIZAL — Mas lalo pang tumitibay ang kampanya ni dating Mayor Joric Gacula sa kanyang muling pagtakbo bilang alkalde ng Taytay matapos magpahayag ng suporta sina dating Konsehal Trece “DI” Cayton at dating Kapitan Roy Tapawan ng Brgy. Dolores—mga lider na dati’y nasa magkaibang panig ng pulitika.

Ayon kay Gacula, ang pagsasanib-puwersa ng mga dating magkatunggali ay malinaw na senyales na ang interes ng mga Taytayeño ang tunay na pinangangalagaan, lampas sa kulay at posisyon.

“Natutuwa po ang buong #NagkakaisangTaytay. Ang pagkakaisang ito ay patunay na higit sa pulitika, ang kapakanan ng Taytayeño ang dapat inuuna,” pahayag ng dating alkalde.

Ang hakbang na ito ay tinawag ng ilan bilang makasaysayan sa lokal na pulitika ng Taytay, at patunay na handang magkaisa ang mga lider para sa iisang layunin—isang maunlad, maayos, at mapayapang bayan.

“Tuloy-tuloy lang po tayo sa pagkilos at pagkakapit-bisig—dahil sama-sama nating makakamit ang mas maunlad at payapang Taytay,” dagdag pa ni Gacula.

Sa darating na halalan, tila lalong umiinit ang laban sa Taytay—pero mas umiinit rin ang pagkakaisa sa hanay ng mga lider na dati’y magkakahiwalay, ngayon ay iisa ang tinig para sa pagbabago.