November 23, 2024

Magkasama sa iisang bahay, ‘di na kailangan ng barrier sa motorsiklo

HINDI na kakailangan pa ng barrier para mag-angkas sa motorsiklo basta’t mapatutunayan na kasama nito sa bahay ang kanyang sakay sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine simula ngayong Miyerkules.

Ayon sa Joint Task Force COVID Shield, aprubado na ito sa National Task Force for COVID-19 kasama ang iba pang panuntunan sa mga protocol sa motorcycle backriding.

Sa lugar na nasa ilalim ng GCQ, ang mga riders na hindi magkasama sa iisang bahay ay kinakailangang gumamit ng barrier na idinisenyo ng Angkas.

Kailangan na authorized person outside residence (APOR) ang umaangkas para mapayagaan ito, at hindi pa rin pwede ang paniningil sa mga rider.

Kailangan din na mayroong face mask at full-face helmet ang rider at angkas nito.

Para sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine, pababayaan na sa local government units kung nais nilang ipatupad ang nasabing protocol.