November 2, 2024

MAGKAPATID HULI SA AKTONG NAGSA-SHABU SA VALENZUELA

Arestado ang isang magkapatid matapos maaktuhan ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay sa Valenzuela city, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unti (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong mga suspek na si Romeo David, 45, at Benito David, 51, kapwa ng 2233 Bilog Kabesang imo, corner  Atyesa St. Brgy. Balangkas.

Sa report ni SDEU investigator PCpl Glenn De Chavez kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, habang nasa loob ng kanilang opisina ang mga operatiba ng SDEU nang makatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen at ipinaalam sa kanila ang hinggil sa nagaganap na pot session sa Kabesang Imo, corner Atyesa St. Brgy. Balangkas.

Bumuo ng team ang SDEU sa pangunguna ni PLT Madregalejo saka pinuntahan ang naturang lugar dakong alas-5 ng hapon upang alamin ang naturang ulat.

Pagdating sa lugar, naaktuhan ng mga operatiba ng SDEU sa loob ng isang bahay ang mga suspek na sumisinghot ng umano’y shabu na naging dahilan upang arestuhin nila ang mag-utol.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 2 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 13,600.00, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.

Kasong paglabag sa Sec. 11, 12 at 15 under Article II of RA 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)