Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga minamahal kong mga kababayan. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nawa’y hindi magmaliw ang hindi nauubos na biyaya’t pagpapala ng Panginoong Diyos. Muli na naman tayong tatalakay ng mga mahalagang usapin sa ating lipunan lalo na sa usaping pang-kalikasan.
Sa patuloy na pag-inog ng panahon, mga kababayan, hindi natin napapansin noon ang mga pagbabagong nagaganap sa ating kalikasan. Subalit, pagkalipas ng 30 taon, unti-unti nang nahahayag ang mga problema rito kaakibat ng kaunlaran.
Nakalulungkot na ipinagwawalang-bahala ito ng karamihan. Subalit, darating at darating ang sandali na baka pagdusahan natin ang ating kapabayaan.
Nitong mga nagdaang mga araw, inulan ang China na nagdulot ng malawakang pagbaha. Hindi biro ang pananalasa ng baha dahil maraming tao ang naperwisyo gayung humaharap sila sa krisis ng COVID-19. Nagsimula ang matitinding pag-ulan bunsod ng tag-ulan sa bansa noong nakaraang Hunyo 4, 2020; kung saan naapektuhan ang 27 probinsiya nito.
Sinasabing ang mga naranasan nilang pagbaha sa iba’t-ibang panig ng bansa ang siyang pinakamalala sa nakalipas na isang dekada. Maraming bahay ang nasira (28,000 kabahayan) at lubhang naapektuhan ang 38 milyong katao, na halos katumbas na ng buong populasyon ng bansang Canada. Mga nasa 2.24 milyong residente ang inilikas at 141 katao ang namatay o nawawala.
Kaya naman, sumakit ang ulo ni Xi Jinping, president ng China dahil sa teribleng pagbaha kung saan nilamon ng tubig-baha ang buong lupain mula sa 443 ilog na umapaw dahil sa malalakas na pag-ulan. Anupa’t nagmistulang ‘waterworld’ na ang ilang teritoryo nila.
Kaya natin tinatalakay ito dahil hindi biro ang pananalasa ng baha. Dapat nating itong paghandaan at solusyonan. Alamin ang sanhi nito. Hindi lamang mga baradong basura ang sanhi ng mga pagbaha na nakabara sa mga daluyan ng tubig.
Kapag malakas ang pag-ulan, lalo na kapag may bagyo, kaakibat nito ang ilang peligro gaya ng paggguho ng lupa o landslide. Gayundin ang mudslide.
Kaya nga huwag tayong magpakampante ngayong wet season. Hindi porke nakikita nating maaraw naman ay magpapa-easy-easy lang tayo. Gusto ba natin maulit muli ang nangyari noong bagyong Ondoy?
Bukod sa maigting nating paglaban sa COVID-19, bigyang pansin din ng kinauukulan ang pagkilos upang hindi bahain ang Kalakhang Maynila— at mga lalawigan kapag matindi ang buhos ng ulan.
Malaking perwisyo ito lalo na kung may mga kababayan tayong may karamdaman na dapat dalhin sa pagamutan o ospital.
Kumilos na dapat ang kinauukulan upang maisagawa ang ibayong hakbang upang hindi lumala ang mga pagbaha kapag may malalakas na pag-ulan at may bagyo. Sinasabi ko sa inyo, matinding perwisyo ang idudulot ng matinding pagbaha lalo na’t lumalaban tayo sa COVID-19 pandemic. Matuto tayo sa nangyari sa nakaraan at matuto tayo sa nangyayari ngayon sa China.
Linisin ang mga daluyan ng tubig, alisin ang mga basura’t nakabara rito. Magsagawa ng dredging sa mga ilog upang hindi ito umapaw ng husto kung sakaling grabe ang pag-ulan. Adios Amorsekos.
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!