November 2, 2024

MAGING SI LUCIFER, P’WEDENG ILUKLOK NG PANGULO – LACSON (Sa pagkakatalaga kay Mancao)

ANGHEL man o maging si Lucifer ay puwedeng italaga ng Pangulo sa kahit anumang posisyon kung gugustuhin nito.

Ito ang naging sagot ni Senator Panfilo Lacson nang hingan ng komento kaugnay sa pagkakatalaga kay dating police Senior Superintendent Cezar Mancao II bilang head ng cyber center ng Department of Information and Communication Technology (DICT).

 “Two words: presidential prerogative. The President can appoint an angel, the President can appoint a devil, the President can appoint even Lucifer to any government post basta’t presidential appointee,” ayon sa Senador.

“That’s all that I can say. It’s Presidential prerogative,” dagdag pa niya.

Kung maalala, si Mancao ay tumestigo laban kay Lacson sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagdukot at pagpatay kay Salvador “Bubby” Dacer at sa kanyang driver na si Emmanuel Corbito noong 2001.

Ngunit binawi rin ni Mancao ang kanyang testimonya laban kay Lacson at humingi ng tawad para idawit ang huli, maging kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa Dacer-Corbito double murder case. Napatawad na rin daw ni Lacson si Mancao at ang iba pang nag-akusa sa kanya sa pagdawit ng kanyang pangalan sa nangyaring pamamaslang.