January 23, 2025

Magiging epektibo kayang contact tracers ang mga ‘Rumormongers’?

Natatawa ako mga Cabalen sa inilatag na programa ng Department of Health ( DOH)  na gawing contact tracers ang mga tsismoso’t ‘tsismosa’. Aba, may pakinabang na rin pala sila sa lipunang ito?

Kaugnay dito, tiniyak ng ahensiya sa publiko na well-informed ang mga tsismosa, este… mga contact tracers sa kung ano ang papel nila.

Sila ang kukunan ng impormasyon ng kinauukulan upang matukoy kung sinu-sinong mga indibidwal ang virus carriers.

Ayon sa DOH, mga nasa 73,985 contact tracers sa buong bansa ang kakatuwangin ng DILG sa pagkalap ng mga positibong pasyente. Ang tanong, magiging epektibo kaya sila? ‘O baka mauwi lang sa suspetsa ang pagtukoy nila sa posibleng COVID-19 positive?

Ang kaisipan tungkol dito ay mula kay Central Visayas police director Brig. Gen Albert Ferro. Kung saan, katuwang nila ang mga ‘rumormongers’ o tsismosa. Ito aniya ang ginawang hakbang ng Cebu City sa contact tracing efforts.

Kaysa raw sa magtsismisan sila sa walang katuturang bagay, gamitin nila ang pagiging madaldal sa pagsugpo ng Coronavirus. Gayunman, sa nasabing programa, dapat na maging confidential ang impormasyon ng pasyente. Sa gayun ay hindi ito makaranas ng diskriminasyon.

Pero, concerned dito si Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Aniya mga Cabalen, kinakailangang sumailalim sa interviewing skills ang mga tsismosa. Turuan din aniya ng contact tracing e-system sa pagkuha ng datus.

Kinakailangan ding masailalim sila sa cognitive interviewing skills, pati ang basic investigation. Kaya lang mga Cabalen, sa ganang akin, ang pala-dudang kaisipan ng mga tsismosa ay baka makasira sa contact tracing szar ng gobyerno.

Sana naman, makatulong nga sila. Sa gayun ay maagapan agad at sumailalim sa quarantine ang mga taong nakasalumuha ng nagpositibo sa Coronavirus.