November 14, 2024

MAGBEBENTA O MAGSASANGLA NG ‘DI REHISTRADONG SASAKYAN PAGMUMULTAHIN – LTO

BALAK ng Land Transportation Office (LTO) na pagmultahin ang magbebenta o magsasangla ng hindi rehistradong sasakyan sa bansa sa kalagitnaan ng Hunyo.

Ayon LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II malapit na nilang ilabas ang memorandum ng bagong polisiya.

 “Kailangan ‘yung pagbebenta o pagsasangla ng sasakyan kailangan po naka rehistro sa LTO. ‘Pag hindi ‘yan naka-rehistro o hindi nareport ang pagkabenta, eh may penalty po ‘yan na ipapataw natin,” aniya.

Ayon kay Mendoza, maaring isagawa ang registration sa online upang mabawasan ang pasanin ng mga listed vehicle owners.

“Pagkaayos po nyan—we’re looking sometime in the middle of June na ma-implement na po natin ito [at] ma-start na po natin ‘yung implementation ng pagrereport ng mga paglilipat-lipat ng sasakyan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Mendoza magbibigay ang LTO ng sapat na panahon para sa lahat ng registered vehicle owners na sundin ang pagbabago ng polisiya. Dagdag pa niya, nais lamang ng ahensya na maging tumpak ang lahat ng impormasyon sa kanilang registration database.

Nanggaling ang anunsiyo ni Mendoza matapos ang madugong road rage sa Makati City, kung saan naaresto ang businessman na si Gerard Raymon Yu ng Pasig City dahil sa pagkamatay ng 65-anyos na motorista. Nahaharap ngayon sa kasong murder si Yu matapos siyang tukuyin na driver ng itim na Mercedes-Benz sedan na sangkot sa insidente.

Gayunpaman, napag-alaman ng mga awtoridad na si Yu ay hindi registered owner ng sasakyan. Upang klaruhin ang lahat, ipinatawag ng LTO ang registered car owner upang ipaliwanag ang umano’y pagbebenta o pag-transfer gamit ang notarized affidavit.