November 2, 2024

Mag live-in partner timbog sa P102K shabu sa Valenzuela

Sa karsel ang bagsak ng isang mag live-in partner na tulak umano ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng droga sa buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

 Kinilala ni P/Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcemen Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang mga naarestong suspek na sina Federico Padua, 40 at Cristy Tornilla, 43, kapwa ng blk 15 lot 1 Northville 2, Brgy. Bignay.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Ana Liza Antonio, dakong alas-11:55 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre ng buy bust operation sa bahay ng mga suspek matapos ang natanggap na impormasyon mula sa isang impormante hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni Padua.

Nang matanggap ng back up na mga operatiba mula kay PSSg Alvin Olpindo na umakto bilang poseur-buyer ang pre-arranged signal na hudyat na nakabili na siya ng droga kay Padua ay agad lumapit sina PSSg Gabby Migano at PCpl Ed Shalom Abiertas saka inaresto ang mag live-in partner.

Nasamsam sa kanila ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000.00, buy bust money na isang P500 bill at pitong P1,000 boodle money at cellphone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangeroud Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)