November 24, 2024

Mag live-in partner arestado sa baril at P340K shabu sa Navotas

NALAMBAT ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang isang babae matapos makuhanan ng baril at mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Marlon Simeon, 42, (pusher/listed) at Aidalyn Llamson alyas “Ambok”, 43, kapwa ng B. Cruz St., Brgy.Tangos North.

Ayon kay Ollaging, dakong alas-10:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas police sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Badeo 5, Brgy. San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa talamak na pagbebenta ng shabu ni Simeon.

Isang undercover police ang nagawang makaiskor kay Simeon ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba kasama ang kanyang kasabwat na si Llamson.        

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 340, 000.00, marked money, isang cal. 45 pistol na may magazine na kargado ng anim nab ala at sling bag.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on firearms and Ammunitions ang kakaharapin ni Simeon.