November 2, 2024

Mag-live-in partner, 1 pa tiklo sa higit P200K shabu sa Valenzuela

TATLONG hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang mag live-in partner ang arestado matapos makuhanan ng mahigit P200,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City.

Ayon kay PCpl Christopher Quiao, nakatanggap ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa PLT Joel Madregalejo ng impormasyon mula sa kanilang impormante na nagbebenta umano ng shabu si Francis Cruz alyas “Joven”, 41 at kanyang live-in partner na si Toni Rose Morales, 30, kapwa ng Captain Cruz St., Brgy. Parada.

Dahil dito, nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Doddie Aguirre ng buy bust operation sa Captain Cruz Street dakong alas-5:40 ng madaling araw.

Agad inaresto nina PCpl Jhun Ahmard Arances, PCpl Mario Baquiran at PCpl Jocem Dela Rosa ang mga suspek matapos bentahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isa sa kanila na umakto bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P204,000.00, marked money na isang P500 bill at walong P1,000 boodle money at coin purse.

Alas-4:45 naman ng madaling araw nang madakma din ng kabilang team ng SDEU si Elmer Tibulan, 28, matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu si PCpl Jayson Arce na umakto bilang poseur-buyer sa buy bust operation sa Casareval St., Northville 1, Brgy., Bignay.

Ani PCpl Pamela Joy Catalla, nakuha sa suspek ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, marked money, P200 cash, cellphone at coin purse.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022.