January 15, 2025

MAG-INGAT SA PEKENG TAUHAN NG NTC

NAGBABALA ang National Telecommunications Commission (NTC) sa publiko laban sa mga taong nagpapanggap na tauhan ng NTC.

Nakatanggap ng mga ulat ang Consumer Welfare & Protection Division ng NTC kaugnay sa modus operandi ng mga indibidwal na nagpapakilalang empleyado ng NTC kung saan tinatawagan nila ang mobile numbers ng kanilang mga biktima at tatakutin na ang sim registered numbers nito ay sangkot sa scam.

Kalaunan ay hihikayatin nila ang biktima na magbigay ng pera upang hindi masampahan ng kasong kriminal at matanggal sa listahan ng mga nang-i-scam ang numero nito.

Binigyan-diin  ng NTC na isa itong scam at hindi lehitimo ang mga tawag na ito.

Kung may impormasyon sa ganitong uri ng scam, maaaring ipaalam sa NTC upang magawan agad ng karampatang aksyon.

Ipagbigay-alam ang ganitong o iba pang uri ng mga scam sa mga sumusunod na opisyal na mekanismo ng NTC: complaint link sa www.ntc.gov.ph; pag-email [email protected], [email protected] o pagtawag sa 1682 (24/7 consumer hotline) at sa mga numerong 89204464, 89267722 & 89213251 (mula 8:00am hanggang 5:00pm, Lunes hanggang Biyernes).