January 23, 2025

MAG-INGAT SA ‘ONLINE VIRUS MISINFORMATION’

Nakababahala mga Cabalen ang ilang alternatibong hakbang na sinasabing lunas aniya sa coronavirus. May ilan kasi sa ating mga kababayan ang gumagawa nito porke nakita at nabasa nila sa social media. May ilan kasi na ibinebenta sa online at binibili ng ilang tao para gamiting remedyo.

Siyempre, para iwas nga naman sa sakit, ginagawa ito ng ilan upang makatiyak na hindi sila tatamaan ng sakit na kalat na kalat na sa buong mundo. Gayunman, hindi nila batid na ang kanilang kinukunsumo ay isa palang nakalalasong lunas.

Kaya naman, naging biktima sila ng ‘online virus misinformation’ dahil sa pag-aakalang maisasalba sila ng medikasyon na hindi nila batid kung ano ba talaga iyon.

Kabilang na rito ang paggamit ng UV lamps o chlorine disinfectants, na tinuran ng kinauukulan o otoridad pangkalusugan na mapanganib sa ating katawan kung mali ang paggamit.

Isa pang maling impormasyon na nakamamatay aniya ng virus ang paggamit o pag-inom ng silver particles sa isang likido na ‘colloidal silver’. Bagama’t ginagawa ito ng ilang katao sa ibang parte ng mundo; wala pa namang gaanong napaulat na ginagamit ang nasabing likido sa ating bansa.

Kapag ininom ang naturang remedying likido,maaaring maging sanhi ito ng pag-iba ng kulay ng balat ayon sa U.S. National Institutes of Health. Bukod ditto, kumukunsumo rin ang ilan ng bleck-like solution at cocaine. Subalit, hindi aniya ito epektibo upang makaiwas sa coronavirus ayon sa French government.

Paalala mga kababayan, mag-ingat tayo sa mga taong mapagsamantala— na pinagkakakitaan ang kasalukuyang sitwasyon para sa sariling kapakanan.

Sa ganang atin naman, may ilan sa ating kababayan na gumagamit ng dati nang alternatibo bilang lunas aniya sa sakit ng coronavirus. Isa na nga rito ang ‘ suob’ o ‘steam inhilation’— kung saan tinatalukbungan ng tao ng tela o kumot ang mukha habang nilalanghap— o dili kaya’y nagpapausok sa mainit o maligamgam na tubig.

Sinabi ng kinauukulan na delikado ito at hindi nakagagarantiya na mapapagaling ang Covid-19. Kapag hindi naging maingat ang pagsasagawa ‘e baka mapaso pa ang gagawa nito. May napabalita nga na isang bata ang nalapnos ang katawan dahil nahulog sa palanggana na may mainit na tubig.

Hindi masama maghanap ng alternatibong pamamaraan ng paghahanap ng lunas upang makaiwas sa coronavirus. Sa halip, maghintay tayo ng tagubilin mula sa otorida pangkalusugan upang mabigyan tayo ng direktiba; kung ano ang dapat gawin upang makaiwas at masugpo ang virus.

Kung may napulot man tayong kaalaman o karunungan sa mga alternatibong medikasyon upang makaiwas sa Covid-19, makabubuting suriin muna natin. Pakiramdaman kung ito nga ba ay mabisa. May ilan na gumagamit ng medicinal plants upang gawin ito.

Datapuwa’t mabisang lunas sa mga karamdaman, huwag tayong mag-eskperimento. Sa gayun ay hindi ito magbunga ng hindi maganda.