January 23, 2025

Mag-ingat sa mga pekeng Facebook pages ng DSWD

Mga Ka-Sampaguita, sadyang lason sa utak ang mga maling balita o fake news. Paulit-ulit tayong pinaalalahanan ng awtoridad dito.

Pero, may ilan pa rin sa ating mga kababayan ang nabibiktima nito. Agad silang naniniwala. Kaya, post sila at sini-share ang fake news sa social media.

Nitong nakalipas na linggo, may ilan sa balita na kinagat ng iba. Gayunman, hindi naman pala totoo.

Isa na nga rito ang tungkol sa pamamahagi umano ng SAP ng DSWD. Kumalat ang FB pages na ‘DSWD Pantawid Funds’, Philippine 50,000 Online Ayuda. Gayundin ang ‘Second Tranche/DSWD/SAP/DOLE. Ang mga pages na ito ay peke.

Nilinaw ng DSWD na walang kaugnayan sa kanila. Hindi rin ito official social media accounts ng ahensiya.

Marami ang na-engganyo sa mga FB pages na iyon at naniwala na mamimigay ng 50,000 ayuda ang DSWD. Kapag kumagat ang madla, yari dahil hinihingi ng pages ang personal information.

‘E sino ba naman ang hindi gustong magkaroon ng P50,000 na ayuda? ‘E anglaking halaga nun para sa pobrang Juan dela Cruz.

Kaya nagpaalala ang DSWD na huwag maniniwala. Pakana aniya iyon ng mga taong mapagsamantala at may sariling interes.

Kaya, mag-ingat sa mga modus sa social media, mga ka-Sampaguita.