December 24, 2024

Mag-ingat sa mga manloloko’t mandurugas, mga text scam at fake vaccine

Magandang araw mga Ka-Sampaguita. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.

Ating himayin itong mga salbahe talaga. Na nakuha pang mambudol at manloko ng kapwa sa gitna ng pandemya.

Puro pera ang nasa utak ng mga ito. Kaya, nakukuhang manlamang ng kapwa. Unahin natin itong mga text scammers.

Pinopost ng ating mga kababayan sa social media ang kalokohang ito ng iba. Na sasabihing nanalo ka raw sa ganito. Handog Pangkabuhayan.

Pati isang gameshow, diretsahin na natin, yung kay Willie Revillame, ginagamit sa raket ng mga taong tinutubuan na ng sungay! Tsk!

Ang galing nilang manyamba ng cell number. Siyempre, dahil short ang karamihan sa ating mga kababayan ay wasted, hayun may kumakagat na iba.

Hihingin ng mga mandarambong na ito ang impormasyon mo. Hayun, todas na. Ang nanalo pa ang nadugas. Kitam.

Kaya, payo natin sa ating mga kababayan, huwag maniniwala sa text na nanalo ka. Lalo pa nga’t wala naman kayong sinalihang promo o contest.

Ito pa ang dagdag, mga Ka-Sampaguita, pati COVID-19 vaccine, nagkalat na. Binebenta. ‘E baka sa halip na Coronavirus ang madale ng vaccine, e pangpurga pala ng baboy.

Ang nas alikod nito ay mga dayuhan na nagpapataba sa ating bansa. At ang naloloko nila ay ang mga buwaya rin nating mga kababayan, na gustong magkamal din ng pera sa pandurugas din.

Ang siste ng mga ito, galing ang bakuna sa matitikas na parmasiya. Kabilang na ang Pfizer.May bumili ng nasabing fake na vaccine.

Hayun, nadenggoy lang pala. Kasi antipneumonia lang pala ang nabili nila. Na libreng makukuha pala sa mga helath centers.

Kaya naman, nagbabala si Pasig City Mayor Vico Sotto tungkol dito. Kaya, mag-ingat tayo, mga Ka-Sampaguita. Huwag magpaloko. Kapag ganun, walang manloloko.