September 20, 2024

MAG-INA MALUBHA SA PANANAKSAK SA MALABON

Nasa malubhang kalagayan ang isang ginang at kanyang anak na lalaki matapos pagsasaksakin ng live-in partner ng babae sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.

Kapwa inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong saksak sa kanilang katawan si Emelda Carta, 52 ng Block 26, Lot 2, Samapil Sitio 6, Brgy. Catmon at kanyang anak na si Erwin, 17-anyos.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nadakip naman ng mga tauhan ng Sub-Station 4 at mga barangay tanod sa isinagawang manhunt operation ang suspek na kinilalang si Cesar Catudio, 56, at narekober sa kanya ang ginamit na patalim sa pananaksak .    

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Mardelio Osting, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima matapos kumprontahin ng lasing na suspek si Erwin at sinabihan “papasok ka lang dito pagkakain ka” na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Sinuntok ng suspek sa ulo ang binatilyo na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa suntukan hanggang sa kumuha ng patalim si Catudio saka sinaksak sa dibdib at kaliwang balikat ang biktima.          Tinangka namang umawat ni Emelda subalit, sinaksak din ito ng suspek sa likod at kaliwang balikat bago tumakas habang isinugod naman ang mga biktima ng kanilang mga kapitbahay sa naturang pagamutan.