
BIÑAN, Laguna – Nauwi sa trahedya ang matinding selos ng isang lalaki matapos nitong pagbabarilin ang kanyang live-in partner at mga anak, dahilan ng pagkasawi ng mag-ina at pagkasugat ng isa pang anak, bago niya tuluyang kitilin ang sariling buhay nitong hapon ng Huwebes, Mayo 8, sa South Ville 5A, Brgy. Langkiwa.
Kinilala ang mga biktima na sina Joan Dimol, nasa hustong gulang, at ang kanyang 10 taong gulang na anak na si Jenel Lavender na kapwa nasawi sa insidente. Sugatan naman ang 11 taong gulang na anak na lalaki ni Dimol at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Biñan.
Ayon sa ulat ng Biñan Component City Police Station, dakong 2:45 ng hapon nang marinig ng mga residente ang matinding pagtatalo ng mag-live-in partner na humantong sa sunud-sunod na putok ng baril. Pinaniniwalaang selos at hinalang pagkakaroon ng “third party” ang ugat ng alitan.
Ang suspek, kinilalang si alyas “Joel,” 40 taong gulang, isang driver/bodyguard, ay natagpuang wala na ring buhay matapos magbaril sa sarili matapos ang krimen.
Dakong alas-3 ng hapon nang madiskubre ng mga pulis ang duguang mga katawan nina Joan at Jenel. Patuloy naman ang imbestigasyon at inaalam pa ang buong detalye ng krimen. Isinailalim na rin sa autopsy ang mga labi ng tatlong nasawi.
Masusing inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang motibo sa likod ng madugong pamamaslang.
More Stories
VP SARA SUMIPOT SA DOJ PARA SAGUTIN ANG REKLAMO SA BANTA SA MGA MARCOS
“HINDI PA PINAL!” – Atty. Ian Sia, sumalag sa isyu ng disqualification
Pamilyang Villar, todo-suporta sa kandidatura nina Camille at Cynthia Villar sa Las Piñas motorcade