December 24, 2024

MAG-ASAWANG NAKATIRA SA LOOB NG JEEP, NAIYAK SA REGALO NG ‘IBA ‘YAN’ NI ANGEL LOCSIN

MULING pinatunayan ni Angel Locsin na siya ang Darna sa totoong buhay matapos niyang mapakinggan ang kaso ni Jimmy Escalante, isang jeepney driver na nawalan ng hanapbuhay dulot ng pandemic.

Ibinahagi ni Tatay Jimmy at asawa nito na si Nanay Emilia ang kanilang talambuhay sa programa ng ABS-CBN na ‘Iba Yan,’ isang show na ang host ay si Angel Locsin at dinirek ni Neil Arce na kanyang fiancé.

Nalaman ng Agila ng Bayan, na dalawang taon  nang naninirahan ang mag-asawa sa loob ng jeep na minamaneho ng mister matapos i-demolish ang kanilang bahay.

Mas lalong naging mahirap ang kanilang kalagayan nang malagay sa community quarantine ang Metro Manila na siyang naging hudyat ng kanilang tigil pasada hanggang ngayon.

Dahil sa mga pangyayaring ito, hiling na lamang ng mag-asawa na makabalik sa kanilang tahanan sa Rizal.

Tutuntong na rin kasi ng 60-anyos si Mang Jimmy kaya nais na rin sana nitong magretiro ng maayos.

Lingid sa kaalaman ng mag-asawa na inaayos na ng programang ‘Iba Yan’ ang kanilang bahay sa Rizal.

Bukod pa rito, binigyan din sila ng sari-sari store at iba pang mapagkakakitaan para hindi na rin aalis para maghanapbuhay pa si Mang Jimmy

Kaya naman nang dalhin na sila ni Angel Locsin sa kanilang ‘bagong bahay’ halos hindi makapaniwala ang dalawa sa kanilang nakita.

Tila nagdalawang-isip pa ang mga ito kung tama nga ba ang napuntahan nilang bahay dahil malayo na ang itsura nito noong iniwan nila itong puro tambak lang ng kanilang gamit.

 Lalong naging emosyonal ang mag-asawa nang ipakita na ni Angel ang sari-sari store na siya nilang magiging negosyo.

Mayroon din silang mga siomai pang-merienda na kanila ring ibebenta bilang karagdagang kita bukod pa sa tindahan nila. Walang tigil sa pag-iyak ang dalawa lalo na ang misis ni Jimmy na labis-labis ang pasasalamat sa mga biyayang kanilang tinatamasa.

Sobra-sobra silang nagpapasalamat sa programa ni Angel Locsin na siyang naging daan upang maging maayos ang kanilang pamumuhay.

 Isa si Angel sa tahimik na tumutulong sa mga sa iba’t ibang paraan na kanyang makakaya sa laban ng bansa kontra COVID-19.

Isa na rito ang fundraising campaign niya noong Mayo para naman sa mass testing ng mga Pilipino.