February 21, 2025

MAG-ASAWA NATANGAYAN NG HALOS P1.2-M SA ONLINE SCAM MATAPOS MA-HACK ANG FB ACCOUNT

Isang mag-asawa sa Pilipinas ang naging biktima ng cyber fraud, matapos mawalan halos ₱1.2 milyon nang ma-hack ang kanilang Facebook account at gamitin upang manipulahin ang kanilang mga detalye sa bangko.

Naging target ng scam sina Teodoro at Maria Isabelle Suatengco matapos magamit ang kanilang personal na impormasyon.

Nabatid na inireport ng mga scammer ang nawawalang cellphone sa Globe Telecom. Gamit ang kopya ng ID ng mag-asawa na nakuha sa Facebook Messenger upang makakuha ng bagong eSIM card sa kanilang pangalan.

Dahil hawak ng mga scammer ang mobile number ng mag-asawa, nalusutan ng mga scammer ang security measures at nakakuha ng access sa kanilang online banking accounts.

Nang mapasok ang kanilang banking system, sinimot ng mga scammer ang pera ng mag-asawa mula sa iba’t ibang account:

                •             BDO account: ₱15,000 at ₱4,000 ang nai-transfer

                •             EastWest Bank account: ₱210,000 na-withdraw

                •             EastWest Bank credit card: ₱942,000 sa fraudulent charges

Umabot sa P1,171,000 ang natangay ng mga scammer, na nagdulot ng matinding dagok sa mag-asawa.

Sa kasong ito, malinaw na mapanganib ang maglagay o mag-imbak ng mga mga sensitibong personal na dokumento sa online at ang pagdami ng gumagamit ng SIM swap scams upang i-bypass ang banking security measures.

Nagbabala naman ang cybersecurity experts na sinasamantala ng mga cybercriminals ang mahinang authentication methods na may kaugnayan sa mobile numbers, na nagbibigay-daan sa kanila na magkaroon ng access sa financial information.

Plano ng mag-asawa na humingi ng tulong mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang mabawi ang nawalang pera sa kanila at itulak ang mas mahigpit na regulasyon sa telecommunications at banking security protocols.

Hinimok din ng mga awtoridad ang publiko na i-enable ang two-factor authentication (2FA), iwasan ang paglalagay o pag-iimbak ng mga sensitibong dokumento sa messaging apps at maging mapagmatiyag laban sa cyber threats upang maiwasan na mabiktima ng scam na katulad nito.

Kasalukuyang iniimbestigahan ang naturang kaso, habang nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga financial institution at telecom provider na magtulungan upang mapabuti ang mga hakbang sa seguridad at maiwasan ang mga insidente ng SIM swap fraud.