July 2, 2024

Mag-asawa nadakma sa drug bust sa Valenzuela

BINITBIT ng pulisya sa kulungan ang isang mag-asawa na kapwa umano sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief P/Major Jeraldson Rivera ang naarestong mga suspek na sina alyas “Jimboy”, 37, at alyas “Jessica”, 37, kapwa ng Brgy. Gen. T De Leon.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Major Rivera na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ni ‘Jimboy” kung saan front lang umano nito at ng kanyang asawa ang pagpapautang (5-6) kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Nang positibo ang report, ikinasa ng DDEU sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora, katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 2 ng Valenzuela police sa pamumuno ni P/Capt. Selwyn Villanueva ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Jimboy’ matapos bintahan ng P1,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Gumamela Extension, Gen.  T. De Leon, dakong alas-12:08 ng hating gabi.

Kasama ding dinakip ng mga operatiba ang kanyang asawa dahil umano sa pakikipagsabwatan nito sa kanyang mister at nakuha sa kanila ang nasa 15 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000.00, isang caliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ni ‘Jimboy’.