Arestado ang isang mag-asawa na tulak umano ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyon halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Leo Gonzales alyas “Netoy”, 50 at Adela Gonzales alyas “Dina”, 42, kapwa ng No. 6511 Mangga St., Brgy., 178 ng lungsod.
Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activity ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong surveillance at validation.
Nang makumpirma ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildoi, kasama ang mga tauhan ng 5th at 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy-bust operation sa bahay ng mga suspek dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagawang makipagtransaksyon sa kanila matapos magpanggap na buyer ng droga.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P408,000.00, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money at isang small box.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA