January 11, 2025

Mag-amang drug suspects tiklo sa shabu at baril sa Caloocan

SWAK sa kulungan ang mag-amang sangkot umano sa ilegal na droga matapos makuhanan ng baril at mahigit P74K halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Restie Mables ang naarestong mga suspek na si alyas ‘Aga’, 47 at kanyang anak na si alyas ‘Binayob’, 24, kapwa ng Phase12, Brgy. 188,Tala.

Ayon kay Lt. Mables, ikinasa nila ang buy bust operation kontra sa mga suspek matapos ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni ‘Aga’ hanggang sa magawa ng SDEU na makipagtransaksyon sa kanya.

Matapos tanggapin ni ‘Aga’ ang isang P500 bill na may kasamang anim pirasong P1,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa Tuna St., Brgy. 28 dakong alas-5:30 ng umaga, kasama si ‘Binayob’.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 11 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P74,800, cellphone at buy bust money habang ang isang kalibre 38 revolver na kargado ng limang bala ay nakuha kay ‘Binayob’.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002” habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591, “Comprehensive firearms and Ammunition  Regulation Act” ang kakaharapin pa ni ‘Binayob’. (JUVY LUCERO)