April 7, 2025

Mag-amang Adlawan, Sgt. Dimapilis at alyas “Tata Obet” gasgas ang uniporme nina RD Gen. Lucas at CIDG Gen. Torre sa “kolek-tong”

NAG-IIYAKAN ngayon ang lahat ng mga iligalista sa iba’t ibang dako ng CALABARZON dahil sa mga nagpapakilalang mga “Payola” tong collectors na animoy may dalang utos na hindi puwedeng baliin at dapat tupdin galing sa mga hari pagdating sa pagkolekta ng buwis subalit ang mga babangitin nating mga personalidad na mga taga tipon ng kuwarta galing sa iligal na akibidades ay mga anay na sumisira sa mga pagkatao at reputasyon ng mga iginagalang at hinahangaan nating mga Police Generals.

Isinisigaw ng mga operator ng perya-sugalan sa buong Rehíyon Kuwatro ang pangalan ng mag amang mga “masisiba at timawa” di umano sa pagkuha. ng “Payola de Intelihensya” na sina Sgt. Ronald Adlawan at ang anak nito na si alyas “Don Don” Adlawan, gamit ang opisina nina Batangas Police Provincial Director Colonel Jacinto “Jack” Malinao at CALABARZON Police Regional Director Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas.

Ipinagmamalake ng mag-amang “HAMBOG” na sila ang inutusan ng dalawang opisyal para tipunin ang milyones na “payola de  intelihensya” mula sa mga may ari ng perya-sugalan na may negosyo rin ng mga pambubugaw ng babae at pagbebenta ng mga iligal na droga lalo na sa lalawigan ng Batangas tulad ng  mga puesto pijo nina alyas “Tessie”, “Baby Panganiban” at grupo ng PIPA ni Evelyn “Evie” Mendoza at asawa nitong si alyas “Boy Life” na mga naging tagpag-nguso sa Senado ng mga Police Officials na naka pay roll sa kanilang mga pasugalan na may putahan at bentahan din ng droga.

Nagpapakilala din ang isang alyas “Sargeant Dimapilis” na isa umanong pulis sa Tanauan at ipinango-ngolekta ng “grease money” ang opisina ng Regional Special Operations Unit (RSOU 4A).

Isang alyas “Tata Obet” naman ang pumupustura para umano sa opisina ng CIDG  Batangas  at kumukolekta ng P20,000 , kada lingguhang “lagay o kolektong” para sa CIDG.

Pagmamayabang ‘di umano ni alyas “Tata Obet”  sa mga iligalista ang sampung libong piso ay ipinararating sa opisina ni CIDG Director M/General Nicolas Torre III, at ang kalahati ay para sa CIDG Batangas Provincial Field Unit at iba pang mga yunit ng PNP sa Batangas bagay na hindi pinaniniwalaan ng inyong lingkod na manunulat dahil kilala nating matuwid, matapang at tapat sa kanyang tungkulin ang sikat at kilalang Heneral ng Pambansang Pulisya sa kanyang kapanahunan na si General Torre, at hindi ito basta papatol sa mga barya baryang “Payola” na makakasira sa kanyang pinaghirapan at inirerespetong imahe bilang opisyal ng PNP at posibleng maging kapalit ni kasalukuyang PNP Chief General Rommel Marbil, pagkatapos ng Midterm National and Local Election 2025.

Panawagan natin sa dalawang magigiting na heneral na sina Regional Director General Lucas at CIDG Chief General Nick Torre, ipahanap ang mag-amang Adlawan, Sgt. Dimapilis at si alyas “Tata Obet” at kastiguhin kung ang mga “buwitreng” ito ay talaga ngang ginagamit lang! ang kanilang mga pangalan para makapambakal ng payola  hulihin at ipasara na rin ang lahat ng mga perya-sugalan sa buong Calabarzon na karaniwang biktima ay ang mga tumatanggap ng AYUDA o Financial Cash Assistance galing sa ating gobyerno ika nga! ang Motto ng PNP ay  “To Serve and Protect” and implement the marching order “NO TAKE POLICY” abangan ang susuonod nating expose. (KOI HIPOLITO)