November 24, 2024

Mag-ama patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Navotas

PHOTO: JANICE ESTORIL YUSON/FB

Todas ang mag-ama habang sugatan naman ang dalawa pa, kabilang ang isang babae, matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang tahanan Biyernes ng gabi sa Navotas City.

Hindi na umabot ng buhay sa Navotas City Hospital sina Jhomarie Flores, 30 at kanyang 9-anyos na anak habang sugatan at inilipat naman sa Tondo Medical Center sina Gerardo Garcia, 30 at Cerina Dela Cruz, 28, upang mabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.

Kinondena naman ni Mayor John Rey Tiangco ang nangyaring pamamaril at nagpaabot ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima at nangakong ibibigay sa kanila ang kailangan nilang tulong.

Hinimok din niya ang Navotas police na bilisan ang imbestigasyon para sa agarang pagkakaaresto sa mga salarin upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Sa inisyal na ulat, nasa loob ng kanilang tirahan ang mga nasawi sa No. 29 Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South, kasama ang testigong si Crissalyn Tud, 29 dakong alas-8 ng gabi at naghahanda ng mga pagkaing paninda sa kanilang food stall nang biglang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki.

Sa pahayag ng testigong si Tud sa pulisya, ang isa sa mga suspek na nakasuot ng puting t-shirt, itim na baseball cap at maong na pantalon ay sumungaw sa kanilang bintana at nagsimulang magpaputok ng baril habang ang isa namang nakasuot ng asul na t-shirt, violet na cap at maong na pantalon ay sa harap ng kanilang pintuan nagpaputok ng baril.

Si Garcia, na residente ng No. 106 BAgong Kalsada St. Brgy. Tangos South ay nakatayo sa tabi ng tirahan ng kanyang kapitbahay nang mahagip ng mga bala habang masuwerte namang hindi tinamaan ang testigong si Tud.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pitong basyo ng bala at dalawang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pinagsanib na tauhan ng Navotas Police Tactical Motocycle Riding Unit (TMRU) sa pangunguna ni P/ Lt. Greg Cueto, Intelligence Section (IS) na pinamumunuan ni P/Lt. Luis Rufo, Jr. at ang Sub-Station-2 na pinangunahan naman ni P/Lt. Genre Sanchez subalit nabigo silang makilala at madakip ang mga salarin.

Isa ring dragnet operation and ikinasa ni Navotas Assistant Chief of Police for Operation P/Lt. Col. Marcelino Teloza, katuwang ang mga iba pang Police Sub-Stations habang hiniling din nila ang tulong ng Malabon City Police Station  upang madakip ang mga salarin.