December 25, 2024

‘MABUTI PO TAYONG TAO, ‘DI PO TAYO MASAMA’ – ROAD RAGE SUSPECT

📷 Manila TImes

SUMAILALIM na sa inquest ang road rage suspek sa Makati nitong umaga ng Biyernes, Mayo 31.

Via on-line isinagawa ang inquest sa Makati City Police Station na tumagal lang ng halos 10 minuto. 

Dumalo rin ang mga kaanak ng biktima na tumangging magbigay ng pahayag.

Ang suspek naman ipinasa sa kanyang abogado ang pagsagot sa ilang tanong ng media, kabilang na ang ulat na nasa Iloilo umano siya nang mangyari ang insidente. 

Umapela rin siya sa publiko na huwag husgahan. Hindi rin pinirmahan ng suspek ang karapatan niya para sa preliminary investigation.

“[Itinatanggi mo iyon na ikaw yung bumaril?] Si attorney na lang po, pasensya na po kayo, sorry po. Nakikiusap po ako po sa media, mabuti po tayong tao, hindi po tayo masama so yun po nakikiusap lang po ako sa mga tao na huwag naman husgahan po tayo. [Huwag ka husgahan?] Opo. Kasi alam naman po ng lahat ng tao kung sino po ako,” sabi ng suspek.

“So dedepensa niya yun kasi mayroon tayong nakuhang ibang evidence na nakabalik na siya nung time na nangyari yung insidente… Nagpunta siya ng Iloilo pero nakabalik na [nung nangyari insidente?] Yes… So far sa ngayon di na siya nagsasalita, binigay na lahat ng sasabihin niya sa kanyang counsel,” sabi ni Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati PNP.

Murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Law ang isinampang reklamo laban sa suspek.

Isasampa rin ang paglabag sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Rules dahil nang abutan ng mga pulis sa bahay ng suspek ang sasakyan, positibong pinalitan ang plaka nito.

“Ang tunay na ebidensya na nakikita natin dito is yung sasakyan na nagamit niya, nandiyan yung BCS 77 and then nakita nitong witness natin yung yaya yung sasakyan na iyon kahit tao nakita sa girian yung mukha,” dagdag ni Cutiyog.

Nauna nang sinabi ng Philippine National Police na “case closed” na ang insidente.