December 25, 2024

Lydia de Vega nasa kritikal na kondisyon, tutulungan ng Pitmaster

Si Pitmaster Foundation Inc. Executive Director Caroline Cruz habang pinapakinggan si Stephanie “Paneng” Mercado-de Koenigswarter, anak ni national athlete Lydia de Vega na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Personal na pinakinggan ni Pitmaster Foundation Inc. Executive Director Caroline Cruz ang panawagan ng pamilya ng national athlete na si Lydia de Vega para sa pinansiyal na tulong.

Kasalukuyang kritikal ang kondisyon ng itinuturing na Filipina sports legend at track and field queen na si De Vega dahil sa komplikasyon dulot ng stage 4 breast cancer.

Sa isang paskil, nanawagan ang anak ng 57-anyos na atleta na si Stephanie “Paneng” Mercado-de Koenigswarter para ipagdasal ang kanyang ina.

Nanawagan din siya para sa pinansyal na tulong para sa kanilang pamilya na dininig naman ng Pitmaster.

“Pitmaster Foundation personally heeds the call of media & family of national athlete Lydia de Vega for financial help,” ayon kay Cruz.

Isa si De Vega sa mga pinakatanyag na atleta sa bansa na siyang kinilalang “fastest woman in Asia” noong 1980s matapos manguna sa 100-meter dash sprint race sa Asian Games noong 1982 at 1986. Nagsilbi ring kinatawan ng Pilipinas ang atleta sa Olympics noong 1984 and 1988.

Taong 1994 nang magretiro ang atleta.

Noong 2019 nang huling lumitaw sa publiko si De Vega na siyang kabilang sa mga nagsilbing flag bearers sa opening ceremony ng 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena