January 26, 2025

LUZON-WIDE STATE OF CALAMITY, APRUB KAY DUTERTE

INANUNSIYO ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya nang inaprubahan ang state of calamity sa buong Luzon kasunod ng pananalasa ng back to back na bagyong Rolly at Ulyssess.

“Mukhang napirmahan ko na ata last night I think, I signed the proclamation,” saad ni Duterte noong Martes ng gabi, Nobyembre 18, sa ginanap na pagpupulong kasama ang Cabinet members.

Kinumpirma naman ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pamamagitan ng text message ang pag-apruba ni Duterte sa state of calamity. Wala pang inilalabas ang Malacañang na kopya kaugnay sa proklamasyon na pirmado ng pangulo.

Noong Lunes, pumabor ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDDRMC) sa inirekomenda na isailalim sa state of calamity ang buong Luzon.

Malawak ang naging pinsala ni Bagyong Rolly sa agrikulutra at kabahayan, lalo na sa Bicol region, na sinundan naman ng Bagyong Ulysses na may dalang matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Lalo pang nalubog ang ilang Hilagang bahagi ng Cagayan Valley nang magpakawala ng tubig ang Magat Dam, na ikinasawi ng ilang dosenang katao.